Paglagay ng malalakas na paputok sa kategorya ng IED, nais ng PNP
Nais ng Philippine National Police na ilagay sa kategorya na improvised explosive device (IED) ang mga malalakas na pautok gaya ng “Goodbye Philippines” at “Bin Laden” dahil kaya ng mga ito na makalikha ng malubhang pinsala sa tao. Ito'y iminungkahi umano ng pamunuan ng PNP, ayon sa ulat ni Glen Juego ng dzBB nitong Huwebes. Ayon sa ulat, sinabi in PNP spokesman Chief Superintendent Generoso Cerbo Jr. na kung sakaling papayagan ng batas na gawing IED ang mga malalakas na paputok, madali na umano para sa mga pulis ang paghuli sa mga taong mayroong ganyang firecrackers. Sa ngayon, wala umanong batas na mapagbatayan ng mga pulis sa panghuhuli sa mga may malalakas na paputok, ayon kay Cerbo. Matatandaang pinag-iisipan na ng Department of Health ang pagtulak sa isang panukalang ipagbawal sa mga kabataan ang pagbili ng mga paputok dahil sila ang kadalasang nabibiktima at napuputukan. Binabalak na ni DOH Secretary Enrique Ona na makipagpulong sa mga kinauukulan at mga manufacturer ng firecrackers para makapaglatag ng plano para maiwasan ang mga disgrasya dahil sa paputok. Ayon kay Ona, dapat kasama sa naturang pulong ang mga pulis, mga kinatawan ng Bureau of Fire Protection, at firecracker makers. Itutulak din umano ni Ona ang pag-amyenda sa kasalukuyang batas ukol sa firecrackers. — LBG, GMA News