We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Sa artikulong lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, nilinaw ng presidente ng GMA Films na si Annette Gozon-Abrogar ang ilang usapin tungkol sa Sosy Problems na kabilang sa mga pelikulang kalahok sa 2012 Metro Manila Film Festival. Ayon sa may-akda ng artikulong si Kathleen Benavidez na lumabas sa PEP.Ph, ginawa ni Ms. Annette ang mga paglilinaw sa presscon ng Sosy Problems noong December 22, sa 17th floor ng GMA Network Center. Bago pa man daw magsimula ang showing ng mga pelikulang kalahok sa MMFF noong Disyembre 25 ay ipinaalis na umano ni Direk Andoy Ranay ang kanyang pangalan sa credits ng pelikula bilang direktor nito. Ang dahilan umano ng “request" na ito ni Direk Andoy ay dahil may isang mahalagang eksena na hindi raw nakuhanan. Ngunit sa kabila ng mga nangyari, sinabi ni Ms. Annette na walang alitan na nangyari kina Direk Andoy at sa production team. Hindi rin umano naapektuhan ang relasyon nina Ms. Annette at Direk Andoy sa nangyari sa pelikula. “Kasi we haven’t had any bad experience with him, lalo na sa TV," paliwanag ng executive ng GMA Films. “I think dito sa movie na ‘to, talagang nakaka-pressure lang yung deadline," dagdag pa niya. Nilinaw din ni Ms. Annette na natapos ang pelikula bagaman mayroong isang eksena na hindi nakunan dahil sa kakulangan ng panahon at hinahabol na deadline na itinakda ang MMFF. “Hindi, actually, hindi naman sa hindi tinapos," ayon kay Ms. Annette na sinundan ng pagbibiro na, “Kasi wala naman talagang malaking issue and ayoko sanang palakihin dahil hindi naman talaga ganun kalaki. It’s not like a Sosy Problem." Kung hindi umano matatapos ang pelikula sa takdang oras, magmumulta ang kumpanya ng P4.5 milyon bawat araw. Bukod dito, nais din ng kumpanya na makatupad sa commitment sa MMFF na maibigay ang pelikula sa takdang oras. “And, isang major scene lang naman yun, e, na when we watched the whole movie, the whole creative team and pati na yung editors, and even the stars, dinetermine na ng lahat na hindi na naman talaga kailangan because the movie was complete and it could stand on its own," ayon kay Ms. Annette. - FRJ, GMA News