Pagiging hindi kapartido ni Cebu Gov. Garcia, nagkataon lang, ayon kay PNoy
Mariing itinanggi ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na "politically motivated" ang pagsuspindi kay Cebu governor Gwendolyn Garcia. Samantalang tinawag naman na kalokohan ni Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas ang paratang na mayroon martial law ngayon sa lalawigan. “I am sorry, napaka-klaro noong ebidensiya, there was a violation of the pertinent rules and regulations and there is a corresponding penalty. We are blind as to party affiliation," pahayag ni Aquino nang makapanayam ng media sa Malacañang nitong Miyerkules. Dagdag pa ng pangulo, nagkataon lang na kaanib ng ibang partido si Garcia. Sina Aquino at Roxas ay mga opisyal ng Liberal Party (LP), habang kaalyado naman ng United Nationalist Alliance (UNA) si Garcia. Paliwanag ni Aquino, masusing pinag-aralan ng DILG ang reklamo laban kay Garcia na isinampa noong 2010 ni Gregorio Sanchez Jr., dating bise gobernador ng Cebu. “Mahaba iyong proseso no. The complaint originated in 2010, if I am not mistaken. Dumaan ang pagkahaba-habang proseso iyong imbestigasyon ng ng DILG, under Secretary Jesse Robredo, dinala sa Office of the President and the ES studied the matter. At lumabas na may mga base iyong reklamo," ayon kay Aquino. Si Garcia ay sinuspindi ng DILG sa loob ng anim na buwan mula noong Disyembre. Bagaman nananatili sa kapitolyo ng Cebu, itinalagang acting governor ng lalawigan ang kasalukuyang bise gobernador na si Agnes Magpale, kapartido ni Aquino. 'Di pupuwersahin Sa hiwalay na panayam ng mga mamamahayag, iginiit din ni Roxas na ipinatupad lamang niya ang batas sa pagsisilbi ng suspension order laban kay Garcia. Gayunman, wala umanong plano na puwersahang alisin sa kapitolyo ang gobernador dahil hindi naman naabala ang serbisyo sa lalawigan. "Kalokohan ito (alegasyon ng martial law). Ang layunin ng pamahalaan ay ipatupad ang batas at siguruhin na patuloy na nakakapagibay serbisyo ang provincial government ng Cebu. Ito ay nangyayari sa kasalukuyan at yung ating Governor Agnes Magpale ang siyang nagpeperform ng duty bilang acting governor," paliwanag ng kalihim. Bukod dito, ginagampanan din umano ng mga pulis ang kanilang tungkulin at nagtatrabaho rin ang iba pang opisyal ng pamahalaang panlalawigan. " Wala namang mamamayan na napipinsala o naabala sa sitwasyong ito. So kung ang ibang tao ay gusto maiwan sa kanilang tanggapan, karapatan na nila 'yan," patungkol ni Roxas sa pananatili ni Garcia sa kapitolyo. Petisyon ni Garcia sa HDO, ibinasura Samantala, ibinasura naman ng Second Division ng Sandiganbayan ang mosyon ng kampo ni Garcia na alisin na ang Hold Departure Order (HDO) laban sa gobernadora. Sa ipinalabas na resolusyon ng anti-graft court, nanindigan ito na mayroon silang hurisdiksiyon sa kaso kahit pa inatasan nila ang Office of the Ombudsman na resolbahin ang motion for reconsideration na isinampa ng kampo ni Garcia. “Finally, the contention of movant that there is no case against her 'filed and pending' before the Court because the Court suspended the proceedings to allow the Office of the Ombudsman to resolve her Motion for Reconsideraton/Reinvestigation is untenable. Such action of the Court did not oust it of jurisdiction over the cases and over the person of the accused," nakasaad sa resolusyon. Una rito, iginiit ng mga abogado ni Garcia na nalalabag ang karapatan ng gobernador na maglakbay dahil sa ipinataw na HDO ng korte. Masyado rin umanong maaga ang pagpapalabas ng HDO gayung may nakabinbin pa silang motion for reconsideration at motion for suspension sa Ombudsman. Ang HDO ay ipinatupad ng anti-graft court laban kay Garcia bunga ng hiwalay na kasong katiwalian at technical malversation of public funds na isinampa sa kanya ng Ombudsman. Ang reklamo ay bunsod ng umano'y maanomalyang pagbili ng pamahalaang panlalawigan sa mahigit 24 hektaryang lupa sa Naga, Cebu na nagkakahalaga ng P98.9 milyon. Bukod kay Garcia, may pitong iba pang lokal na opisyal ang kinasuhan tungkol sa nasabing usapin. Nauna nang itinanggi ng suspindidong gobernadora ang paratang. - RP/FRJ, GMA News