Negosyante, patay sa ambush sa Sta. Barbara, Pangasinan
Pinagbabaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang isang negosyante sa Sta. Barbara, Pangasinan, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules. Sinabi sa ulat ni Katrina Aquino ng GMA-Dagupan, na nakasakay sa kotse ang biktima nang tapatan ng isang itim na kotse na may sakay ng hanggang apat na armadong lalaki. Pinagbabaril umano ng mga suspek ang biktima na kaagad namatay sa pinangyarihan ng krimen. Ilang ligaw na bala naman ang tumama sa ilang bahay na malapit sa pinangyarihan ng pamamaril. Mapalad na walang nadamay sa mga residente. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang nangyaring pananambang. Sa Ilocos Sur, isang lalaki ang dinakip ng mga pulis matapos siyang ituro ng testigo na bumaril sa ulo ng kanyang kaibigan. Kritikal ang lagay ngayon ng biktima sa ospital, habang itinanggi ng suspek na may kinalaman siya sa naganap na pamamaril. - FRJ, GMA News