ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 katao, kabilang ang 1 sanggol, patay sa aksidente sa Davao City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang lima katao, kabilang ang isang bagong silang na sanggol, sa karambola ng tatlong sasakyan sa Tugbok District, Davao City. Sinabing galing sa pagsasaya sa beach resort ang mga biktima at pauwi na nang maganap ang malagim na trahedya. Sa ulat ni Donna Timbal-Senajon ng GMA-Davao sa 'Balita Pilipinas Ngayon' nitong Huwebes, sinabing naganap ang karambola sa Barangay Los Amigos Tugbok District. Pawang sakay ng isang multicab ang limang nasawi. Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na nag-overtake ang trak at una nitong nabangga ang isang taxi na nasa unahan ng sasakyan na nilampasan ng trak. Matapos mabangga ang taxi, nawalan ng kontrol ang trak at nabangga ang kasalubong na multicab na nasa kabilang linya ng kalsada. Bukod sa limang nasawi, 15 iba pa ang nasugatan sa nasabing aksidente, kabilang ang dalawang bata. "Itong trak ang mabilis ang takbo, nabangga nito ang likod ng taxi at nawalan ng kontrol," ayon kay Senion Inspector Peter John Murin, ng Tugbok police. Kinilala ang mga nasawi na sina: Baby Jane Sahadain, Rajeb Tantong Sahadain, Jovanie Mohammad Motasam, 22 Norkeyma Sahadain Motasam, 23, at Zarolan Sahadain, 50. Sugatan naman ang 12 pang sakay ng multicab na sina: Bentaud Sahadain, 14 Aljima Sahadain, 25-30 Soyla Sahadain, 45 Dennis Espinoza, 37 Arnolfo Pacatang, 64 Soliano Salic, 47 Quinnolain Pacatang, 5 Rogelio Pacatang, 52 Alcedan Sahadain, 19 Jausan Sahadain Dianne Motasam, 3 Naduja Sahadian Arnold Espinosa at Norshayma Sahadian. Tatlong tao naman na nakatayo sa gilid ng kalsada ang kasamang nasaktan sa aksidente. "Ang sanggol, isang buwang gulang lang siguro, naipit siya kasama ang ina at ang driver. Tatlo silang nasa harapan, tapos ang mga nakasakay sa likod ng multicab, tumilapon," kuwento ng saksing si Anna Angeles. Hindi naman nasaktan ang driver ng taxi na si Ronald Caime. Sinisisi naman ng drayber ng trak na si Ernesto Valenzuela ang taxi driver dahil bigla daw itong huminto para kumuha ng pasahero. Sinampahan na ng "reckless imprudence resulting to multiple homicide, injuries and damage to properties" si Valenzuela na sumuko sa pulisya matapos ang aksidente. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News