ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dagdag na 'leave' sa mga manggagawang buntis, isinusulong sa Kongreso


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang panukalang batas ang isinusulong sa Kamara de Representantes na naglalayong mabigyan ng karagdagang benepisyo at suporta ang mga buntis na manggagawa. Sa House Bill No. 6691 na inihain ni Laguna Rep. Maria Evita Arago, binigyan-diin nito ang kahalagahan ng mga kababaihan sa pagtataguyod ng bansa. Kaya naman nararapat lang umano na itaguyod din ang kanilang mga pangangailangan tulad sa panahon ng kanilang pagbubuntis habang nagtatrabaho. Sa ilalim ng panukala, nais ni Arago na mabigyan ng karagdagang leave (medical) ang mga buntis. Isang araw sa loob ng isang buwan (o siyam na leave days sa loob ng siyam na buwan na pagbubuntis) ang nais na idagdag ng kongresista sa leave ng mga buntis na manggagawa. Ang karagdagang leave na ito ay hiwalay sa kasalukuyang mga leave privilege na ibinibigay sa mga babae sa ilalim ng umiiral na batas. “Pregnant women who are employed will enjoy the benefit of medical leaves once every month for pregnancy-related medical consultation," paliwanag ni Arago. Dagdag pa niya, “But the pregnant woman should have previously furnished her employer a medical certificate confirming her pregnancy and the ailment or affliction she might be suffering from is a result of her pregnancy." Upang makakuha ng nasabing leave privilege sa ilalim ng panukala, dapat umanong isang taon nang nagtatrabaho ang babae sa pinapasukan nitong kumpanya. Kailangan may maipakita ring katibayan na buntis ang babae. Kung magli-leave ang babae, dapat abisuhan niya ang kumpanya limang araw bago ang panahon kung kailan siya hindi papasok ng trabaho. Bukod dito, nakapaloob din sa panukala ang pagsusulong sa kapakanan ng mga buntis tulad ng pagkakaloob sa kanila ng suporta ng pamahalaan at pag-adjust sa oras ng kanilang trabaho. "Under the bill, any pregnant woman whose income in the place of domicile falls below the poverty threshold as set by the National Economic and Development Authority (NEDA) and subject to the assessment of the Department of Social Welfare and Development (DSWD) worker in the area shall be eligible for assistance," nakasaad sa pahayag ni Arago. "The bill likewise seeks to provide flexible working hours for pregnant women as long as it will not adversely affect productivity," patuloy pa ng kongresista. Inaatasan din sa panukalang batas ang Department of Health (DOH) na bumuo ng isang komprehensibong health care program para sa mga buntis, na ipatutupad naman ng ahensiya at local government units (LGUs) para sa mga nasasakupang pagamutan at health centers. - RP/FRJ, GMA News