Ex-FG Arroyo, nais lumabas ng bansa sa Pebrero
Naghain ng mosyon sa Sandiganbayan si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo upang ipaalam ang hangarin niyang makalabas ng bansa sa Pebrero. Sa magkahiwalay na mosyon na inihain ng mga abogado ni Arroyo sa Second at Fourth Division ng Sandiganbayan, sinabing magtutungo sa Japan at Hong Kong ang dating unang ginoo sa Pebrero 3 hanggang 10. Nakasaad sa mosyon na isinumite ng kampo ni Arroyo na magtutungo siya sa Tokyo, Japan sa Pebrero 3 hanggang 7 para sa imbitasyon ng negosyanteng si Evelyn Prieto Solis. Makikipag-ugnayan umano si G. Arroyo sa mga kasapi ng Association of Overseas Filipino Community. Mula sa Japan, lilipad naman si G. Arroyo sa Hong Kong at mananatili doon magmula sa Pebrero 7 hanggang 10. Dito ay dadalo siya sa corporate planning ng mga opisyal at tauhan ng Lourdes T. Arroyo (LTA) Inc., kung saan siya ang kasalukuyang presidente. Ang paghingi ng pahintulot ni Arroyo sa Sandiganbayan na makalabas ng bansa ay bunga ng kinakaharap niyang mga kaso kaugnay sa nabulilyadong NBN-ZTE deal, at umano'y maanomalyang pagbili ng Philippine National Police ng mga helicopter. Nauna nang naghain ng petisyon si Arroyo sa Sandiganbayan na ibasura ang mga kasong isinampa laban sa kanya. - RP/FRJ, GMA News