ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pro-poor program ng gov't na CCT, bigo raw kung paniniwalaan ang SWS survey


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Iginiit ng ilang kongresista na hindi epektibo ang programa ng pamahalaan na pamimigay ng pera sa mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng conditional cash transfer (CCT) program na ipinatutupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño, kung pagbabatayan ang pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa noong Disyembre, lilitaw na hindi epektibo ng CCT program. “This is glaring proof that the conditional cash transfer program of the government is a failure because it does not address the basic demand of majority of Filipinos and that low prices and stable jobs with decent wages," pahayag ng kongresista. "This should be a wake up call for the Aquino administration and aspiring senators to concentrate more on programs that would create jobs and lower prices," dagdag pa niya. Batay sa resulta ng survey ng SWS, lumitaw na umabot sa 54 percent o 10.9 milyong pamilya ang itinuturing ang sarili nila na mahirap. Mas mataas ito kumpara sa 47 percent na naitala noong Agosto 2012. Gayunman, batay sa hiwalay na survey na ipinalabas ng SWS na ginawa rin noong Disyembre, lumitaw na bawasan ang bilang ng mga Pilipino na nagsabing nakakaranas sila ng pagkagutom. Mula sa 21 percent household na naitala noong Agosto 2012, bumaba ang nagsabing nakararanas ng gutom sa 16.3 percent noong Disyembre. Nitong Miyerkules, muli namang nanawagan sa pamahalaan si House Minority Leader Rep. Danilo Suarez, na itigil ang pagpapatupad ng CCT program sa panahon ng kampanya. Pangamba ng kongresista, magagamit ng mga kaalyado ng administrasyon ang pondong gugugulin sa programa upang makakuha ng boto sa darating na halalan. Kung hindi suspindihin, nais ni Suarez na ibigay ang pondo ng isang bagsakan na sasakop sa panahon ng kampanya at halalan. "I will be filing a resolution next week to demand the concerned government agencies led by the Social Welfare department that the CCT funds be released nine- month advance so that there will be no distribution of the funds to be made during the election campaign period," paliwanag niya. Bawat buwan, nagkakaloob ng P1,400 na pinansiyal na tulong ang DSWD sa mga mahihirap na pamilya na natukoy na benipisaryo ng CCT program. Puna ni Suarez, bigo ang DSWD na pag-aralan kung papaano gagamitin ang pondo ng CCT program kaya hindi ito naging epektibong panlaban sa problema ng kahirapan sa bansa. Ayon sa kongresista, dapat itinuro ng DSWD sa mga tao na gamitin ang perang ibinibigay para sa edukasyon at kasanayan sa kabuhayan. Pero sa halip, ginagamit lang umano ang pera na pambayad ng utang, habang ang iba ay sa bisyo at pagsusugal.- PR/FRJ, GMA News