15-anyos na nagdiwang ng kaarawan, kasama sa 10 nasawi sa aksidente sa Naga City, Cebu
Kasama sa 10 kataong nasawi sa malagim na aksidente sa Naga City, Cebu nitong Miyerkules ang isang 15-anyos na nagdiwang ng kaarawan at pauwi na sana galing sa pagsimba. Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA-Cebu sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing nakasakay ng Calvo bus si Lyke Fermisa at kanyang ina nang mabangga ng isang malaking trak na may sakay na bulldozer ang bus nitong Miyerkules sa National Highway sa barangay Uling, Naga City, dakong 4:30 p.m. Nasawi sa sakuna si Lyke, kasama ang siyam na iba. Kasama naman sa may 50 pasahero ng bus na nasaktan ang kanyang ina. Lumitaw sa imbestigasyon na nawalan ng preno ang trak na minamaneho ni Antonico Omacay at sinalpok ang kasalubong na bus. Kasama rin sa mga nasawi si Omacay. Ang mga sugatan ay dinala sa Vicente Sotto Hospital sa Cebu City at sa District Hospital ng Naga. Dahil sa dami ng mga biktima, nagkulang na umano ng ambulansya. Handa naman daw ang kumpanya ng bus at ang lokal na pamahalaan na tumulong sa mga biktima. Wala pang ibinibigay na pahayag ang kumpanya ng trak pero sinuspindi na ng LTFRB-Region 7 ang kanilang prangkisa. - FRJ, GMA News