Lider ng Kamara, iginiit na nasa Palasyo na ang kopya ng Kasambahay Bill
Iginiit ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., na nagawa na ng Kongreso ang bahagi nito sa paggawa ng Kasambahay Bill at nasa kamay na ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang pasya para ganap itong maging batas. Sinabi ito ni Belmonte nitong Huwebes bilang paglilinaw sa ihayag ni Aquino na wala pa sa kanya ang "enrolled copy" ng nabanggit na batas na inaasahang pakikinabangan ng may dalawang milyong kasambahay sa bansa. “Of course, we did. It might be with his staff," tugon ni Belmonte sa mga mamamahayag nang tanungin kung naipadala na ng Kongreso sa Palasyo ang kopya ng nasabing panukalang batas. Nakapaloob sa Kasambahay bill ang pagtatakda ng sahod at mga benepisyo na dapat tanggapin ng mga kasambahay. Niratipikahan ng Senado at Kamara de Representantes ang batas noong nakaraang Disyembre. Ayon naman kay Majority Floor Leader Rep. Neptali “Boyet" Gonzales II, natanggap umano ng Malacañang ang kopya ng panukalang batas nitong Enero 14. Ang naturang kopya na tinatawag na "enrolled bill" ay mayroon ng lagda ng Speaker ng Kamara at Senate President, at maging ng Secretary General ng Kamara at Senado. Dahil dito, pirma na lamang ng pangulo ang kailangan upang ganap na itong maging batas. (Basahin: Kasambahay Bill, makabubuti o makasasama sa relasyon ng amo at kasambahay?) Inihayag naman ng isang impormante na ang kopya ng panukalang batas ay nasa tanggapan na ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) na pinamumunuan ni Undersecretary Manuel Mamba. Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, hindi dapat bababa sa P2,500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila. Samantala, hindi naman bababa sa P2,000 ang dapat tanggapin ng mga kasambahay sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 sa iba pang munisipalidad. Dapat ding bigyan ng mga social benefit ang mga kasambahay tulad ng Social Security System, Philhealth, at Pag-Ibig Fund. Bukod pa rito ang 13th month pay at limang araw na leave with pay sa loob ng isang taon. Bawal ding kuning kasambahay ang mga nasa eded 15 pababa. - RP/FRJ, GMA News