Ilang batang nakilala sa 'Reel Time,' binigyan ng bagong pag-asa
Noong Hulyo ng nakaraang taon, nakilala sa episode na “Salat” ng documentary program na “Reel Time” si Mary Rose. Sampung taong gulang na ang batang ito pero wala sa itsura niya ang kanyang edad dahil sa kanyang kapayatan. Limang magkakapatid sina Mary Rose. Ang nanay nila, P40 lang ang kinikita kada araw. Kadalasan, isang pakete ng noodles o isang order ng sopas at champorado lamang ang pinaghahatian ng mag-anak. Dahil hindi rin madalas magtrabaho ang kanilang nanay, minsan dumaraan ang isang araw na hindi na kumakain ang pamilya. Noong Setyembre ng nakaraang taon din nakilala sa progama ang mga Batang Halau, o stateless children ng Sabah, Malaysia. Sila ang mga batang napadpad sa Malaysia na walang hawak na dokumentong makapagpapatunay ng kanilang nasyonalidad bilang Pilipino o Malaysian. Ang iba sa kanila, hindi marunong magbasa o magsulat. Nang tanungin tungkol sa kanilang mga pangarap sa buhay, sambit nila na ang pagkakaroon ng pangarap ay para lamang sa mga nakapag-aral. Binalikan ng “Reel Time” ang mga batang ito upang kamustahin ang kanilang kalagayan. “It’s important to revisit our cases because aside from our network’s goal of giving public service, it is a personal fulfillment to see them improve on their lives,” sabi ni Shao Masula, ang Executive Producer ng “Salat” Pagkatapos ipalabas ang dokumentaryong “Salat,” maraming manonood ang nagtungo sa Facebook page ng “Reel Time” upang magtanong kung papaano puwedeng matulungan si Mary Rose. Ngayon, may ilan na sa kanila ang sumusuporta sa pag-aaral Mary Rose. Nang ipalabas naman ang “Batang Halau,” naging daan ito upang mapansin ng ilang non-governmental organization at ng gobyerno ang kalagayan ng mga Pilipinong napadpad sa Sabah. “Na-encourage ‘yung mga NGO na mag-sponsor ng tulong sa mga batang ito,” ani Eleazar del Rosario, ang Executive Producer ng dokumentaryo. Sa kasalukuyan, natutulungan ang mga Batang Halau ng NGO na Sabah Foreign Workers Recruitment Association, at ng Department of Education at Department of Social Welfare and Development. Mapapanood ang “Reel Time” tuwing Linggo, 8:45 PM sa GMA News TV. Sundan ang programa sa Facebook at Twitter para sa updates tungkol sa mga bagong episode at mga replay. —Bernice Sibucao, PF/CM/GMA News