ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 Pinoy, patay sa hostage crisis sa Algeria  — report


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang Filipino ang naiulat na namatay sa madugong rescue operation na isinagawa ng Algerian forces nitong Biyernes. "Algerian state TV reported that two Britons and two Filipinos were killed when Algerian troops stormed in," ayon sa ulat. Hindi pa makumpirma ng Philippine Department of Foreign Affairs (DFA) kung totoo ang balitang ito. Ngunit kinumpirma ng DFA na nakatakas ang isang bihag na Filipino sa madugong kinahinatnan ng rescue operation sa loob ng isang gas field.  Patungo na umano sa pagamutan ang Filipino na bahagyang nasugatan sa insidente. Sa isang text message, sinabi ni DFA spokesperson Raul Hernandez: "Our embassy received info from the Japanese Embassy in Tripoli that a Filipino worker was able to escape together with a Japanese from the gas field before the military operation started." Samantala, sa panayam ng "News To Go,"  sinabi ni Hernandez na hindi pa nakausap ng Philippine Embassy sa Tripoli ang nakatakas na Filipino, na ayaw pang pangalanan hangga't hindi pa naipaalam sa kanyang pamilya ang nangyari. Madugong wakas Madugo ang pagwawakas ng krisis, matapos salakayin ng mga sundalo ng Algeria ang gas complex sa disyerto kung saan ikinulong ang mga bihag. Nagsimula ang rescue operation para sa daan-daang hostages ng mga rebeldeng Islamist maaga nitong linggo. Patay ang may 30 na mga bihag mapatapos ang pag-atake, at 11 sa mga militanteng Islamist ang nasawi, ayon isang soucre ng Reuters news agency mula sa  Algerian security forces. Ayon sa mga rebeldeng Islamist – na tinatawag ang kanilang grupo na "Blood Battalion" – marami ang kanilang mga girilya sa loob ng gas complex – na tahanan at kung saan nagta-trabaho ang daan-daang mga obrero ng gas installation. Ang gas field ng In Amenas ay sama-samang pinapangasiwaan ng British oil giant BP, Norway Statoil at Sonatrach na pag-aari ng gobyerno ng Algeria. Nauna nang sinabi ng BP na wala silang trabahante na Filipino, pero hindi nito matiyak kung may mga Pinoy na empleyado ang kanilang subcontractors. 34 na Pinoy, inilikas Sa isang hiwaalay na text message, sinabi ng  DFA: "We have also received a report from our embassy in London that around 34 Filipinos working with different companies in the gas field are being evacuated by chartered plane to London via Parma, Italy. One of them sustained a gunshot wound." Sinabi rin ng DFA: "Two sources in the Philippines managed to get in touch with their hostaged relatives working in the gas field. "One said her brother together with 15 other Filipinos are inside the gas facility. The other source said her husband and four other Filipinos are working there," ayon kay DFA spokesman Hernandez. Aniya, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy sa iba pang mga embahada at konsulada upang malaman kung ilang mga Filipino ang kasama sa mga binihag ng  mga rebeldeng Islamist. Nilinaw din ni Hernandez na sa loob lamang ng gas installation ang nangyaring krisis at hindi apektado ang buong Algeria. Mayroon umanong 3,400 na mga Filipino sa Algeria, aniya. Motibo Sinalakay ng mga militanteng Islamist ang gas filed at nang-hostage ng mga nagtatrabaho doon. Ayon sa ulat ng France 24, pinagsuot umano ang mga bihag ng mga sinturon na may nakakabit na mga bomba at nagbanta umano ang hostage-takers na pasabugin ang buong compound. Isinagawa ng mga rebelde ang pangho-hostage bilang paghihiganti sa pakikialam ng mga sundalo ng France sa Mali, kapit-bansa ng Algeria. Nagpadala ang France ng mga tropa sa Mali para tumulong sa paglipol ng mga miyembro ng teroristang grupong al Qaeda doon.  — LBG, GMA News