2 pasahero, patay sa pagbangga ng jeep sa nakaparadang trak sa Cebu
Isa na namang malagim na aksidente ng banggaan ng dalawang sasakyan sa Cebu ang naganap nitong Biyernes ng gabi na nagresulta sa pagkakasawi ng dalawa katao at pagkakasugat ng 17 iba pa. Sa ulat ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Sabado, sinabing binangga ng pampasaherong jeepney ang isang nakaparadang trak sa Toledo City, Cebu, dakong 7:00 p.m. nitong Biyernes. Sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang unang bahagi ng jeepney at bubungan nito. Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang dalawang pasahero ng jeepney. Mapalad naman na nakaligtas ang drayber ng jeep na nagtamo lang ng sugat sa katawan. Gayunman, dinakip siya dahil sa nangyaring aksidente. Matatandaan na noong Miyerkules, 10 katao ang nasawi at 50 iba pa ang nasugatan nang banggain naman ng isang trak ang isang pampasaherong bus sa Naga City, Cebu. - FRJ, GMA News