Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Dingdong Dantes gears up for 'Tiktik' sequel

January 20, 2013 10:45am

Sinundan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng ilang entertainment press ang paglipat ng location ng taping ni Dingdong Dantes, para sa primetime drama series nilang Pahiram Ng Sandali, mula Marikina City papuntang Sorsogon Street sa West Triangle, Quezon City last Wednesday, January 16.

Binati namin ang pagiging extra handsome ni Dingdong that time at mukhang hindi siya naapektuhan ng mga madramang eksena nila nina Lorna Tolentino, Max Collins, Sandy Andolong, Christopher de Leon, Mark Gil at Neil Ryan Sese, sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes.

Hindi nga ba siya apektado sa mga eksena niya?

“Hindi naman, sa story na lamang iyon, hindi na off-camera,” natatawang wika ni Dingdong.

COMPLEX ROLE. “Pero kung iisipin mo talaga, hindi simple ang problema ng character ko as Alex, na matapos magkaroon ng sandaling hiniram ay malaki ang kapalit sa buhay niya.

“Madali sana kung may mga tao sa paligid niya na susuporta sa kanya, pero wala, e.

“Kahit ang girlfriend niya, hindi siya maiintindihan sa naging relasyon niya sa kanyang ina.

“Pero thankful ako na nabigyan ako ng ganitong proyekto, mahilig kasi ako sa mga totoong scenario... tapos mga magagaling na artista pa ang kasama mo.

“Fulfillment sa akin iyon kung magugustuhan ng mga manonood ang ginagawa ko.”

Kung sa kanya mangyayari ang character ni Alex sa tunay na buhay, ano ang gagawin niya?

“Siguro, ang first impulse ko, lalayo na lamang ako," saad niya.

“Pero sa story, hindi puwede... may love sa pagitan nina Alex at Cindy (Max).

“Hindi mo basta matatalikuran, mayroon kasing masasaktan.”

That day, birthday ni Sandy Andolong, who plays his mother, si Thea.

Naroon din ang gumaganap niyang younger brother sa Pahiram ng Sandali, si Kristoffer Martin as Franz.

Ayon kay Sandy, darating ang asawang si Boyet na manggagaling sa kabilang set, dahil may simpleng celebration sila sa set para sa kanyang birthday.

“Tita Sandy is like a real mother to me,” bulalas ni Dingdong.

“Third drama series na ito na siya ang mother ko. Yung dalawa, Stairway To Heaven at Endless Love.

Pareho silang napakahusay ni Sir Boyet, na husband naman ni Lorna sa story.

Tinanong namin si Dingdong kung hindi ba bawal dumalaw sa set ang kanilang girlfriends.

Dumalaw na ba sa set ang girlfriend ni Kristoffer na si Joyce Ching? At si Marian (Rivera), dinalaw na ba siya sa set?

“Hindi ko pa nakitang dumalaw si Joyce, ewan ko lang kung wala ako sa taping.

“Si Yan [Marian], dumalaw minsan, pero hindi siya bumaba sa car niya.

“Nangumusta lang kasi maaga siyang natapos ng taping ng Temptation of Wife. Pareho kasi ang taping day namin.”

Wala palang kinalaman si Dingdong sa co-production venture ng girlfriend with Ai-Ai delas Alas, ang Kung Fu Divas, pero natutuwa siya na nag-try na ring mag-produce si Marian.


TIKTIK SEQUEL. Siya, ano ang susunod niyang movie project?

“May inaayos pa kaming bagong project pero tuloy ang pagpu-produce ko. Gagawin namin ang Tiktik: The Aswang Chronicles 2.

“Masaya kami na nabawi namin, more of our budget sa movie. May possibility na rin na madala namin ito abroad, malalaman ko ang details, kaya sobrang proud ako talaga.”

Tatagal ba ulit ng one year bago nila maipalabas ang part 2 ng Tiktik? Same cast ba ang bubuo sa movie?

“Kung makapagsisimula na kami this month, baka by December, tapos na kami. Hindi ko pa alam kung may madadagdag sa casting namin.”

Ngumiti lamang at hindi sumagot si Dingdong sa tanong namin tungkol sa away daw ng mga katambal niya sa One More Try na sina Angelica Panganiban at Angel Locsin. At totoo bang hindi na siya ipahihiram sa Star Cinema?


HECTIC SCHEDS. After ba nila ni Marian ng taping ng kani-kanilang drama series, magbabakasyon sila?

“Yes, yes! Kung mamarapatin ng aming mga schedules, gusto naming magbakasyon, kasi masyadong naging hectic ang schedules namin," mabilis niyang sagot.

“But we will both be very busy this 2013. Ako, bukod sa movies, I will shoot some more commercials.”

Muli naming itinanong kay Dingdong kung kailan ba sila magpapakasal ni Marian, at maraming na-excite sa na-post niyang Instagram nang mag-dinner sila sa Manila Peninsula last Sunday.

“Ganun ako, iniiba ko naman ang Instagram post ko, kamay at roses lamang ang kinunan ko pero nahulaan pa rin nila,” natatawang kuwento ni Dingdong.

“Sa susunod, may face na. Wala pa rin kaming pinag-uusapan ni Yan na kasal.

“What’s important... magkasundung-magkasundo kami talaga.”

Wala ngang problema ang dalawa dahil pareho nilang naiintindihan ang kani-kanilang work. At si Dingdong, alam din niya ang mga schedules ni Marian.

“Pareho kaming pupunta sa Cebu for the Sinulog festival, pero mauuna siya sa akin dahil Friday sila ng cast ng Temptation of Wife.

“Pero balikan siya, hindi ko lang alam kung aabutan niya ang dedication ni Katie, iyong anak nina Kris Lawrence at Katrina Halili, dahil Friday afternoon iyon.

“Ako naman with the cast ng Pahiram Ng Sandali ay Saturday pupunta ng Cebu.

“Balikan din ako kasi may Party Pilipinas ako sa Sunday. Si Yan, may autograph signing naman ng kanyang FHM sa Robinson’s Galleria Movieworld at 4pm.” PEP.ph




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus