Canadian national, namaril sa loob ng korte sa Cebu; tatlo, patay, 1 piskal, sugatan
Tatlo katao ang nasawi - kabilang ang nagwalang retired Canadian journalist, na namaril sa loob ng korte sa Cebu City matapos dinggin ang kanyang asunto na malicious mischief nitong umaga ng Martes. Sa ulat ni Bobby Nalzaro sa dzBB radio, kinilala ang nasawing dayuhan na si John Pope. Patay rin sina Atty. Joviena Achas at kliyente nitong si Dr. Rene Rafols, ang nagsampa ng reklamo laban kay Pope. Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nagawang makapagpasok ng kalibre 38 baril si Pope sa loob ng Palace of Justice. Matapos ang pagdinig sa kanyang asunto sa Municipal Trial Circuit Court Branch 2 sa sala ni Judge Anatalio Necesario, biglang binaril ng dayuhan sina Asis at Rafols. Sa labas ay nakasalubong ni Pope ang piskal na si Maria Teresa Casiño at binaril din umano ng dayuhan sa ulo. Sinasabing stable na ang kondisyon ni Casiño sa ospital. Sa mga naunang ulat na lumabas, sinabing nagbaril sa sarili si Pope matapos ang pamamaril. Pero nilinaw ng pulisya na nabaril ito ng mga rumespondeng pulis at namatay habang ginagamot sa ospital. Hindi pa malinaw kung bakit nagwala si Pope at kung papaano nakalusot ang bitbit nitong baril sakabila ng umiiral na election gun ban. Sinabi naman ni Prosecutor General Claro Arellano sa GMA News Online, na hindi si Casiño target na barilin ni Pope kung hindi ang piskal na may hawak ng kanyang asunto. "Pagkatapos niyang mag-amok sa hearing, pumunta siya sa prosecutor's office. Ang babarilin niya sana ay iyong case prosecutor kaso nakasalubong niya itong si Casiño," ayon kay Arellano. Idinagdag niya na walang ginawa si Casiño at basta na lamang binaril ni Pope. "Wala, nagwawala na iyong tao. Nagkataon na si Casiño ang nakasalubong niya kaya siya ang nabaril," ayon pa kay Arellano. Hindi pa malinaw kung gaano na katagal sa Pilipinas si Pope at kung ano ang pinagmulan ng asuntong kinakaharap nito na isinampa ni Rafols— FRJ, GMA News