ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Planong biyahe ni ex-FG Arroyo sa Japan, HK, pinalagan ng prosekusyon


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpahayag ng pagtutol ang panig ng tagausig sa inihaing petisyon sa Sandiganbayan ni dating First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo na payagan siyang makabiyahe sa Japan at Hong Kong sa susunod na buwan. Sa mosyon na inihain ni Atty. Lynette Jandoc-Ludan, assistant special prosecutor II, binigyan-diin niya na maituturong "flight risk" si G. Arroyo kaya dapat ibasura ang kahilingan nito na makabiyahe sa Japan at Hong Kong magmula sa Pebrero 3 hanggang 10, 2013. Nangangamba umano ang prosekusyon na hindi na bumalik sa bansa si G. Arroyo at takasan ang mga kinakaharap nitong mga kasong katiwalian na isinampa ng Office of the Ombudsman. ''With due respect, the prosecution considers the accused movant a flight risk in view of the fact that aside from his involvement in the overpriced chopper scam at the PNP, he is also an accused in another high profile case pending before the other division of this Honorable Court. Thus, evading his indictment is not farfetched in view of the large amount of money involved in the cases filed against him," paliwanag ni Ludan. Si G. Arroyo ay idinawit ng Ombudsman sa kinanselang NBN-ZTE broadband deal na nakabinbin sa Fourth Division ng anti-graft court. Nasa Second Division naman ang kaso ng dating unang ginoo patungkol sa maanomalyang pagbili ng mga Philippine National Police ng ilang helicopter na pag-aari umano ng akusado. Una rito, nakasaad sa petisyon ni Arroyo sa Sandiganbayan na pupunta siya sa Japan sa Pebrero 3 hanggang 7 para dumalo sa imbitasyon Association of Overseas Filipino Community sa Edogawa-Ku, Tokyo, Japan. Matapos nito, lilipad siya patungong Hong Kong at mananatili doon hanggang Pebrero 10 para dumalo naman sa taunang corporate planning ng kanyang kumpanya na LTA, Inc. (Basahin: Ex-FG Arroyo, nais lumabas ng bansa sa Pebrero). - RP/FRJ, GMA News

Tags: mikearroyo