GMA News Online
Showbiz

Eat Bulaga-Pilipinas vs Eat Bulaga-Indonesia, sa 'Pinoy Henyo' sa Sabado

January 23, 2013 3:41pm

Tags: Eat Bulaga
Magtatagisan ng galing sa Pambansang Laro ng Bayan na "Pinoy Henyo" ang mga Dabarkads ng Eat Bulaga!-Pilipinas at Eat Bulaga-Indonesia sa Sabado.

Ibinalita ito ng tinaguriang Henyo Master na si Joey de Leon at Bossing Vic Sotto sa number one noontime show ng bansa nitong Miyerkules sa GMA-7.

Ayon sa dalawa, magpapares sa hulaan ang isang taga-EB-Pilipinas at isang taga-EB-Indonesia.

Kabilang sa magiging pambato ng EB-Pilipinas sa Sabado si Jimmy Santos na nagpraktis na nitong Miyerkules ng lenguahe na Bahasa ng Indonesia.

Samantala, iniulat naman ni Arniel Serato sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Miyerkules, na posibleng madagdagan pa ang prangkisa ng Eat Bulaga sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan, ang Eat Bulaga ang kauna-unahang noontime show na binili ang prangkisa at napapanood ngayon sa Indonesia.

Sa panayam ng showbiz press kay Joey sa ginanap na press and trade launch ng TV5 kamakailan kung saan mayroon ding mga programa ang tinaguriang "Entertainment Guru" ng Pilipinas, isa o dalawang bansa sa Asya ang nagbabalak na kunin ang prangkisa ng Eat Bulaga.

“Meron pa ‘ata… kung hindi Malaysia… ayoko namang pangunahan, e," ayon kay Joey. "Basta meron pang isang Asian country, isa o dalawa ba, na nagbabalak."

Natutuwa ang TV host-comedian na maganda rin ang ratings ng EB-Indonesia sa kanilang bansa.

Interesado rin si Joey na malaman kung anong segment ng EB ang pumatok sa mga manonood sa Indonesia. - FRJimenez, GMA News
Go to comments

Tags: Eat Bulaga