3 pinaniniwalaang biktima ng 'salvaging' natagpuan sa Leyte
Natagpuan ang bangkay ng tatlong kalalakihan, na pinaniniwalaang biktima ng "salvaging" o extrajudicial killings, sa gilid ng kalsada sa Poblacion ng Kananga sa probinsya ng Leyte. Sa ulat ni Ronie Roa ng GMA News Visayas, tadtad umano ng saksak at tama ng bala ang katawan ng mga biktima. Natagpuan umaga nitong Biyernes sa Sitio Sagkahan ang bangkay ng tatlo na nasa 19 hanggang 22-taong gulang. Ayon sa ulat, walang mapagkakalilanlan ang mga biktima. Ngunit isa umanong kasamahan ng tatlo ang nagsabing Marlon, Francis at Tagalog ang pangalan ng mga biktima. Maaari umanong hindi doon sa lugar pinatay ang tatlo na nakagapos pa ang mga kamay at paa, ayon kay Kananga Police Inspector Antonio Angcay sa panayan ng GMA News. Ayon naman sa isang residente na si Simforiano De La Cruz, nakarinig umano siya ng sunud-sunod na putok ng bartil sa may kinalalagyan ng mga bangkay dakong alas-4 ng madaling-araw habang siya ay umiihi. Hindi umano siya lumabas ng bahay dahil sa takot. Samantala, sinabi ni Angcay na maaaring doon lamang sa lugar itinapon ang mga bangkay at nagpaputok doon sa may pinagtapunan upang iligaw ang imbestigasyon. Malayo sa kabahayan at taniman ng tubo ang kinalalagyan ng mga bangkay. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulis, lumalabas na mga miyembro ng grupong TBS o True Brown Style ang tatlo. Ayon din sa imbestigasyon, ang TBS ay grupo ng mga kabataan na kalimitang nangre-recruit ang mga estudyante sa high school. May hinala rin ang mga pulis na may kaugnayan ang tatlo sa isa ring natagpuang bangkay sa Sitio Juabon, Brgy. San Isidro sa Ormoc City, isang araw bago ang pangyayari sa Kananga. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulis sa motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaslang. — LBG, GMA News