Malakas na pag-ulan sa Davao City, muling nagdulot ng pangamba sa ilang residente
Muling bumulos ang malakas na ulan sa Davao Ccity nitong Huwebes ng gabi na nagdulot ng pangamba sa ilang residente partikular sa mga kauuwi pa lamang mula sa mga evacuation center. Sinabi sa ulat ni Helen Quinanola sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, na magdamag na binantayan ng mga residente ang antas ng tubig sa Taloma river sa pangambang umapay ito. Nasira naman ang bahagi ng isang dike sa Tamugan river matapos tamaan ng mga inanod na troso. Binaha naman ang ilang bahay na malapit sa Lubogan river matapos itong umapaw bunga ng ilang oras na pag-ulan. Ilang residente sa Jade Valley Subdivision sa barangay Tugato na lubhang binahala noong nakaraang pag-ulan, at kauuwi pa lamang mula sa mga evacuation center ang muling nagsilikas sa pangambang tumaas na naman ang baha. Napag-alaman din na mahigit 1,000 kabahayan pa sa lungsod ang wala pa ring kuryente dahil sa naganap na mga pag-ulan. Nitong Biyernes ay nagsimula na umanong humupa ang pag-ulan at pagbaha sa lungsod. Samantala, tumaas naman ang presyo ng ilang bilihin sa Caraga, Davao Oriental na isinisisi sa paghirap ng transportasyon ng mga produkto dahil sa nasirang tulay sa lugar bunga na rin ng naganap na malakas na pag-ulan. - FRJ, GMA News