ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Cesar Montano at Sunshine Cruz, nagkaayos na?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang linggo makaraang maibalita ang umano'y bagong pagsubok na pinagdadaanan ng pagsasama nina Cesar Montano at Sunshine Cruz, iniulat sa Startalk nitong Sabado na bumalik na sa kanilang bahay ang aktor. Batay umano sa nakalat na impormasyon ng Startalk mula sa kanilang source na hindi pinangalanan, umuwi na sa kanilang bahay ni Sunshine si Cesar matapos ang shooting sa ginagawa nitong bagong pelikula. Taliwas ito sa naglabasang ulat na tumutuloy sa isang hotel sa Manila si Cesar makaraang paalisin umano ni Sunshine sa kanilang bahay. Ang hidwaan ng mag-asawa ay nag-ugat sa pagkaka-link ni Cesar sa starlet na si Krista Miller, na kasama ng aktor sa ginagawang pelikula. (Basahin: Are Sunshine Cruz and Cesar Montano having marital problems?) Idinagdag sa ulat na kapansin-pansin din na masasayang larawan na ang inilalagay ni Sunshine sa kanyang Instagram. Noong nakaraang linggo, nag-post ng mga larawan at patamang mensahe si Sunshine tungkol kay Krista. Maging ang pinsan ni Sunshine na si Geneva Cruz ay nagpahayag din ng kanyang saloobin tungkol sa isyu. Kumpiyansa naman si Alfie Lorenzo, manager ni Sunshine, na maaayos din ang sigalot ng mag-asawa tulad ng nangyari noon. (Basahin: Sa kabila ng intriga: Cesar Montano, excited sa kanyang mga plano ngayong 2013) Kwento ni Alfie, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng hidwaan ang dalawa. Minsan na raw naglayas ng bahay si Sunshine at umupa ng ibang tirahan pero bumalik din sa kanilang tahanan nang suyuin ni Cesar. “Nung unang away nga nila, lumayas si Sunshine, umupa ng sariling condo ayaw umuwi...kinindak-kindatan lang ni Cesar, bumalik na sa bahay," anang talent manager. (Basahin: Sunshine Cruz and Cesar Montano are now okay) “Alam ko maaayos din 'yan, makakapag-usap din 'yan. Maliligawan uli ni Cesar 'yon, mabobola uli," nakangiting pahayag pa ni Alfie. Inamin din ni Alfie na kinontra niya ang ginawang pagkonsulta ni Sunshine sa abogado para pagbawalan si Cesar na makalapit sa kanilang mga anak. "Mag-usap silang mag-asawa, sabi ko. Hindi yung pupunta ka sa abogado hihingi ka ng ano...Sabi ko 'wag mo nang gawin 'yon, kung ayaw mo na kay Cesar, magpa-annul na kayo ng marriage niyo, mag-file ka ng divorce mo. "Pupusta ako sabi ko, wala 'yan, walang mana-knockout... sila pa ring dalawa sa ending," dagdag pa ng beteranong talent manager. -- FRJimenez, GMA News

Tags: cesarmontano