Mga batang magpipinsan sa Pangasinan, naospital dahil sa pagkain ng bunga ng Tuba-tuba
Dahil sa maling impormasyon na nakuha sa kanilang kalaro, limang magpipinsan sa San Carlos City, Pangasinan ang naospital matapos kainin ang bunga ng Tagumbao o mas kilala sa tawag na "tuba-tuba." Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing nasa edad siyam hanggang 12 ang mga biktima. Kwento ng isa sa mga biktima, tinikman nila ang bunga ng tuba-tuba matapos sabihin ng isa nilang kalaro na nakakain ang bunga nito. Ilang minuto matapos nilang tikman ang bunga, nakaramdam na sila ng pagkahilo, panghihina at pagsusuka. Kaagad naman silang naisugod sa ospital at nalapatan ng lunas. Muling paalala ng duktor, hindi dapat kainin ang bunga ng tuba-tuba dahil mayroon itong nakalalasong kemikal tulad ng langis na ginagamit sa paggawa ng bio-fuel. - FRJ, GMA News