Mike Arroyo, nakakuha na ng 'go signal' na bumiyahe sa abroad
Nakakuha na ng "go signal" mula sa Sandiganbayan si dating First Gentleman Atty. Jose Miguel "Mike" Arroyo na bumiyahe sa labas ng bansa. Kasabay nito, naghain siya ng "not guilty" plea sa kinakaharap na kasong katiwalian kaugnay sa maanomalyang bentahan ng mga helicopter sa Philippine National Police (PNP) noong 2009. Sa pagdinig ng Sandiganbayan Second Division nitong Martes, pinayagan ng korte si Arroyo na bumiyahe sa Japan at Hong Kong sa darating na Pebrero 3 hanggang 10, 2013. Sa ipinalabas ng resolusyon ng anti-graft court, binigyan-bigat ng mga mahistrado ang karapatan ng lahat sa ilalim ng Konstitusyon na bumiyahe -- kabilang na si Arroyo. Ang nasabing resolusyon ay inaprubahan ng pinuno ng Second Division na si Associate Justice Teresita Diaz-Baldos, at inayunan nina Associates Justices Napoleon Inoturan at Rafael Lagos. Noong nakaraang linggo, nauna nang nagpalabas ng hiwalay na desisyon ang Fourth Division ng Sandiganbayan na payagang bumiyahe si Arroyo sa Japan at Hong Kong. Inatasan din ng korte si Arroyo na maglagak ng P90,000 travel bond, na mas mababa sa iminumungkahing P500,000 ng panig ng prosekusyon. Ikinatuwa ni Arroyo ang naturang desisyon na korte na inilarawan niyang patas at nararapat na pasya. Not Guilty Kasabay nito, naghain nitong Martes ng not guilty plea si Arroyo sa kasong katiwalian na kinakaharap sa Second Division kaugnay sa umano'y pagbebenta nito ng dalawang segunda-manong helikopter sa PNP noong 2009. Batay sa inihaing reklamo ng Office of Ombudsman, bagaman segunda-mano ang mga helikopter, binayaran ito ng PNP sa presyong brand new. Sa mga naunang ulat, mariing itinanggi ni Arroyo ang mga alegasyon. Nahaharap din si Arroyo sa hiwalay na kasong katiwalian tungkol naman sa kinanselang NBN-ZTE broadband deal na nakabinbin naman sa Fourth Division ng Sandiganbayan. - RP/FRJ, GMA News