Eat Bulaga! nasa unang puwesto pa rin
Nanguna pa rin ang Eat Bulaga! sa TV rating sa buong bansa at Mega Manila nitong nakaraang Sabado, Enero 26, sa kabila ng pagpasok ng bagong kompetisyon sa mga programang pangtanghali. Batay ito sa inilabas na listahan ng AGB Nielsen Philippines. Sa comparative rating points ng AGB Nielsen para sa Mega Manila, kumabig ang mga dabarkads ng Eat Bulaga! (GMA-7) ng 23.5 percent audience share. Sumunod ang bagong noontime show na Wowowillie (TV-5) na may 12.2 percent, at 8.8 percent naman sa It's Showtime (ABS-CBN). Sa listahan ng national urban TV audience measurement (NuTAM), lumitaw na nakapagtala ang Eat Bulaga! ng total 38.8 percent audience shares habang ang Wowowillie ay may 27.9 percent, at 20.9 percent naman sa It's Showtime. Kabilang ang GMA-7 sa mahigit 20 kumpanya na kumukuha ng serbisyo ng mas pinagkakatiwalaang Nielsen TV Audience Measurement. Ilan pa sa mga TV Network na naka-subscribe dito ay ang TV-5, Faulkner Media, CBN Asia, mga advertising agencies, at regional clients. - FRJimenez, GMA News Ang GMA News Online ang official news website ng GMA Network