ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jennylyn Mercado, Kapuso pa rin; naging emosyunal nang mapag-usapan si Patrick Garcia


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling pumirma ng exclusive contract sa Kapuso Network ang actress-TV host na si Jennylyn Mercado. Naging emosyunal naman siya nang matanong tungkol kay Patrick Garcia, na ama ng kanyang anak na si AJ. Present sa ginanap na contract signing sina GMA Chairman and Chief Executive Officer Atty. Felipe L. Gozon; GMA President and Chief Operating Officer Gilberto R. Duavit Jr.; GMA Entertainment TV’s Officer-in-Charge Lilybeth G. Rasonable; at si Katrina Aguila, kinatawan ni Becky Aguila, manager ni Jennylyn. Halos 10 taon na sa GMA-7 si Jennylyn na nadiskubre sa reality-based artista search na Starstruck. Starstruck pa lang ay fan na ako ni Jennylyn. Kaya tayo ay nagagalak dahil napro-prove natin na ang ating mga programa ay nagkakaroon ng successful conclusion dahil full-pledged star na si Jennylyn," ayon kay Atty. Gozon. Pahayag naman ni Mr. Duavit: “Hindi ko makakalimutan noong nanalo siya sa Starstruck. At kami ay nagpapasalamat kay Jennylyn at natutuwa sa kanyang ehemplo bilang isang tunay na Kapuso." Masaya at nagpapasalamat ang actress-TV host sa tiwalang ipinagkakaloob sa kanya ng pamunuan ng Kapuso station. Bukod sa patok na primetime epic-series na Indio, napapanood din si Jennylyn sa HOT T.V. at Party Pilipinas. Pero nang matanong ang aktres tungkol sa hidwaan nila ng kanyang dating nobyo na si Patrick Garcia, hindi nito napigilang umiyak. Nakiusap na lamang si Jennylyn na huwag na lamang pag-usapan ang aktor na ama ng kanyang anak na si AJ o Alex Jazz. Kamakailan lang ay kinumpirma ni Patrick na buntis ang kasalukuyan nitong girlfriend. Kasalukuyang nobyo naman ngayon ni Jennylyn si Luis Manzano. - FRJimenez, GMA News