ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hirit na TRO, iniurong ni suspended Cebu gov Garcia; Magpale, lilipat na sa kapitolyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inabandona na umano ni suspended Cebu governor Gwendolyn Garcia ang kanyang naunang petisyon sa Court of Appeals (CA) na makakuha ng temporary restraining order (TRO) laban sa suspension order na ipinalabas laban sa kanya ng Department of Interior and Local Government. Samantala, iniulat naman sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, na naghahanda na si vice governor Agnes Magpale, itinalagang acting governor ng DILG, na lumipat at mag-opisina sa kapitolyo matapos itong lisanin ni Garcia. Ayon sa 12th Division ng CA na humahawak sa petisyon ni Garcia, sa halip na magpalabas ng 60-days TRO, nais ng suspindidong gobernador na simulan na ang pagdinig at magpalabas ng desisyon sa umano'y iligal na pagsuspindi sa kanya ng DILG. Ang anim na buwang suspension order na ipinalabas ng DILG noong Disyembre ay bunga sa kasong administratibo na inihain laban kay Garcia ng dating bise gobernador ng lalawigan noong 2010. Inakusahan ni Garcia na pulitika ang nasa likod ng pagsuspindi sa kanya dahil kaalyado siya ng United Nationalists Alliance. Makakalaban din niya sa pagka-gobernador sa darating na May elections si Magpale, na magiging pambato ng Liberal Party. Dahil sa naging hakbang ni Garcia, maaari nang dumiretso at simulan ng CA ang pagsusuri sa mismong merito ng ipinalabas na suspension order ng DILG. "Noting that petitioner... has already abandoned her prayer for the issuance of a temporary restraining order/status quo ante order, the Court deems it best to no longer rule on said incident of TRO/Status Quo Ante Order," paliwanag ng CA na magpapabilis umano sa proseso ng kaso. Idineklara rin ng CA na, "to instead consider this case as submitted for decision after February 1, 2013, with or without petitioner's Reply to Comment." Samantala, matapos umalis ng kapitolyo noong Miyerkules, sinabi sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon na hinihintay na lamang ni Magpale na matapos ang isinasagawang imbentaryo sa mga gamit sa kapitolyo bago ito mag-opisina doon. Mahigit 40 araw din na namalagi si Garcia sa kanyang opisina sa kapitolyo upang ipakita na hindi nito kinikilala ang ipinalabas na suspension order ng DILG. Bagaman umalis ng kanyang opisina, nilinaw ng gobernador na hindi nangangahulugan na isinuko na niya ang laban, at sa halip ay idudulog umano niya sa mga tao ang ginawa sa kanya ng kasalukuyang administrasyon. -- FRJ, GMA News