GMA News Online
Ulat Filipino
»
Talakayan

Mayayaman nga lang ba ang nakikinabang sa paglago ng ekonomiya?

February 1, 2013 11:41pm
Matapos ipagmalaki ng pamahalaan ang naitalang 6.6 percent growth rate nitong 2012, nagpahayag naman ng pangamba ang National Economic Development Autority (NEDA) sa masamang epekto ng patuloy na paglakas ng piso.

Iniulat sa GMA news 24 Oras nitong Biyernes, na may masamang epekto ang paglago ng ekonomiya sa paglakas ng piso partikular sa usapin ng paglikha ng mga trabaho.

Ayon kay NEDA Director-General Arsenio Balisacan, partikular na apektado ng paglakas ng piso ang export at business processing sector at maging sa mga overseas Filipinos.

Paliwanag niya, kapag tumamlay ang nabanggit na mga sektor ay magiging dahilan ito para hindi na sila kumuha ng mga bagong manggagawa.

"We need to manage well this peso appreciation," ani Balisacan. "And all the economic managers are very aware of the this issue and we're doing our best to see to it that the competitiveness of the country in BPO and exports, and even the purchasing power of overseas Filipinos will not be affected."

Sinabi naman ng ekonomistang si Vic Abola, na matatawag na jobless growth ang nagaganap na paglago ng ekonomiya na hindi pangmatagalang pag-unlad ng ekonomiya.

Ganito rin ang pananaw ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes na nanawagan sa gobyerno na ilahad ang katotohanan kung saan napupunta at sino ang nakikinabang sa sinasabing bumubuting ekonomiya ng bansa.

Hanggang ngayon umano ay hindi nararamdaman ng mga mahihirap ang sinasabing pag-unlad ng bansa dahil marami pa rin ang nagugutom na mga Filipino.

Sinabi naman ng kritiko ng administrasyon na si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, iba ang pananaw ng mga dayuhan sa lagay ng ekonomiya kumpara sa ibinalita ng pamahalaan.

“Nakakalungkot pong sabihin na bagaman yung ating Pangulo at kanyang mga kaalyado, panay sinasabi halos langit na itong Pilipinas," pahayag ni Cruz sa panayam ng Radio Veritas.

"Kapag po talaga mga ibang bayan ang nagbibigay ng pagpapasya tungkol sa kalagayan natin, talaga pong nakakaawa tayo, at hindi naman po malalim na kaisipang yun. Iba po yung kinukuwento ng mga taga-Malakanyang at iba naman po talaga ang nangyayari sa ating kapaligiran," dagdag niya.

Sinabi naman ng financial coach na si Francisco Colayco, na ang mga mayayaman lang ang nakikinabang sa paglakas ng piso dahil sila ang pera at kakayahan na magpalago nito.

Sa harap ng paglakas ng piso, iminungkahi niya sa pamahalaan na tulungan ang mga OFW sa pamamagitan ng pagpapalit ng mas mataas na halaga ng dolyares gaya ng ginagawa sa Mexico.

Pinayuhan din ni Colayco sa mga pamilya ng OFW na maging matalino sa paggastos at huwag maging maluho.

Nitong Huwebes, ipinagmalaki ng pamahalaan na nalampasan ang inaasahang 5 hanggang 6 percent growth target nang umabot sa 6.6 percent ang paglago ng ekonomiya. (Basahin: After surpassing growth targets for 2012, Palace expects an even better 2013)


“We certainly hope the [2013 targets will also be surpassed. After all,] we have the coming election season so we expect expenditures to rise, and we expect infrastructure to continue to grow," pahayag ni presidential spokesperson Edwin Lacierda sa isang press briefing sa Malacanang.

Idinagdag ng opisyal na ang mga isinusulong na reporma ng pamahalaan ang dahilan ng paglago ng ekonomiya.

“Good governance means good economics. Private sector activity has been enabled by the Aquino administration's dedication to positive reform," patuloy ni Lacierda. “The continued growth of our GDP is proof positive of our ability to sustain a united march forwards along the straight path toward equitable progress." - MP/FRJimenez, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus