ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kemikal na nahalo sa ilog, posibleng dahilan daw ng pagkamatay ng 3 bata sa Negros Oriental


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagkamatay ng tatlong bata at pakaka-ospital ng tatlong iba pa matapos maligo sa Malo river sa Siaton, Negros Oriental. Sa ulat ni Sheree Ann Torres sa Balitanghali nitong Sabado, sinabing lumitaw sa paunang imbestigasyon na Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na maaaring may nahalong pesticide sa ilog nang panahon na maligo ang mga biktima. Matapos umanong maligo sa ilog, sumakit ang tiyan ng mga batang biktima kaya dinalo sila sa ospital. Nasawi sina Justin Bahandim, 3-anyos; Sandy Tabilon, 8; at Ranmil Tabilon, 5. Nakaratay naman sa pagamutan sina Randy Biterbo Jr., 12; Racel Tabilon, 2; st Ramil Tabilon, 4. "Maaaring may naghuhugas ng mga sprayer nila doon sa ilog. Yung mga pang-spray ng mga insect. Pero 'di pa tayo sigurado roon, paimbestigahan natin para makuha natin kung ano talaga ang nangyar," ayon kay Dir. Andy Bojos, BFAR, Region VII. Inaalam din ang posibilidad na napaglaruan ng mga bata ang pestisidyo na naihalo sa ilog nang panahon na sila ay maliligo. Bago ang insidente, sinabi ng isang bata na may nakita silang mga patay na isda sa ilog pero hindi naman daw nila ito kinain. Mabilis naman daw ang agos sa ilog kaya madali ring naglalaho ang bisa ng kemikal na naitatapon dito. Hinihintay naman ang resulta ng isinagawang laboratory test sa mga biktima. - FRJ, GMA News