GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Dalawang television crew na dinukot sa Sulu noong Hunyo, pinalaya

February 3, 2013 4:24pm
Natagpuang ligtas noong Sabado ang dalawang Pilipino television crew na dinukot sa Sulu noong Hunyo kasama ang Jordanian na mamamahayag.

Hindi pa masabi ng mga pulis kung nagbayad ng ransom ang dalawa para sa kanilang paglaya.

Inihayag ni Autonomous Region in Muslim Mindanao police head Chief Superintendent Noel delos Reyes nitong Linggo na sumasailalim na sa debriefing sina Ramil Vela at Buboy Letriro.

"Last night they were recovered from a hotel they were staying," ani Delos Reyes sa panayam ng dzBB radio nitong Linggo ng umaga.

"I think they will be flown back to Manila," dagdag niya.

Tinutukoy niya sina Vela at Letriro, na bigla na lamang nawala noong Hunyo 12 ng nakaraang taon, kasama ni Jordanian TV reporter Baker Atyani ng Al Arabiya news channel.

Hindi pa nagkokomento si Delos Reyes tungkol sa kalagayan ni Atyani na hindi pa rin nakikita hanggang sa ngayon.

Kwento ni Delos Reyes, tinawagan umano at ipinaalam ni Vela sa kanyang asawa na napalaya na siya. Ipinaalam naman agad ng asawa ni Vela sa Anti-Kidnapping Group (AKG) ng Philippine National Police ang balita.

Tumawag ang AKG sa police provincial office ng Sulu, na nagkumpirmang pinakawalan na nga ang dalawa.

"The two are now under protective custody of the Sulu provincial police office," ani Delos Reyes.

Dagdag pa niya, nag-iingat pa ang PNP sa paglalabas ng impormasyon tungkol sa kanila dahil sa kanilang mapait na karanasan.

Tumanggi naman siyang magkomento nang tanungin kung nagbayad ba ng ransom ang dalawa.

Mabuting balita

Samantala, sa Malacañang, inihayag ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na naipaalam na kay Pangulong Benigno Aquino III na napakawalan na sina Vela at Letriro.

“Magandang balita (ang) natanggap natin, ang dalawang Pilipino na kasamahan ni Baker Atyani na-release at nasa custody ng PNP," pahayag niya sa dzRB.

Dagdag niya, hindi pa makumpirma ang ilang impormasyon tungkol sa kalagayan ni Atyani. “We will leave the operational details to our security forces to share with the public as they deem fit.”

Nitong Linggo rin, inihayag ni Sulu police chief Senior Superintendent Antonio Freyra na hindi pa sila nakakakuha ng impormasyon mula kay Vela at Letriro tungkol kay Atyani, ayon sa ulat ni Divine Caraecle ng radio dzBB.

Ayon sa ulat, limang araw lamang umano nakasama ng dalawa si Atyani matapos sila madukot ng mga umano'y mga miyembro ng grupong Abu Sayyaf sa Sulu. Amanda Fernandez /LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus