ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

22 patay sa MNLF-Abu Sayyaf bakbakan sa Sulu — militar


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mahigit 20 ang patay sa bakbakan nitong Linggo sa pagitan ng mga miyembro ng Abu Sayyaf at ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa probinsya ng Sulu, inihayag ng isang opisyal ng militar nitong Lunes. Ayon kay Col. Orlando de Leon, komander ng 2nd Marine Brigade, nakatanggap sila ng "unverified reports" mula sa ilang mga sibilyan na umabot na ng 22 ang patay—14 mula sa Abu Sayyaf at walo naman mula sa MNLF. “Unverified reports indicated that both sides suffered casualties. On the side of the MNLF, reports that reached us show that eight died on their side. On the Abu Sayyaf, more or less 14 died on their side,” aniya. Samantala, ayon kay Sulu Police director Senior Superintendent Antonio Freyra, maaari pang tumaas ang bilang ng mga patay. "Ngayon po, tumatakbo pa rin ang mga figure na 'yan," aniya sa panayam ng News TV Live. "Maaaring tumaas pa 'yan." Ayon naman kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Col. Arnulfo Burgos, apat sa mga patay mula sa MNLF ay napugutan ng ulo. "One of the casualties was identified as Wahab Omar and four of those killed MNLF members were beheaded while four firearms were recovered by the ASG [Abu Sayyaf Group],” aniya. Nagsimula ang bakbakan noong 8 ng umaga ng linggo at tumagal ng halos 11 ng umaga sa boundary ng mga barangay Kabuntakas at Buhanginan sa bayan ng Patikul. Nag-ugat umano ang bakbakan dahil sa hindi pagkakaintindihan sa kidnapping na aktibidad ng Abu Sayyaf. Naganap ang bakbakan matapos ang pagpapakalawa sa dalawang Pilipinong nabihag kasama ng Jordianian na mamamahayag noong Hunyo. Ayon kay Freyra, nasa lugar ang MNLF mula pa noong Enero 14 upang tumulong sa pakikipagnegosasyon sa pagpapakawala sa mga bihag. Sa kabilang banda, ayaw ng mga Abu Sayyaf na pakawalan ang kanilang mga bihag kung hindi pa nagbabayad ng ransom. "Nagkatagalan, nagpatuloy 'yung standoff sa magkabilang grupo," ani Freyra. "Talagang nagkaroon ng viewing o seeing distance na maaaring nag-ignite kung bakit sila nagkaputukan. So na trigger siguro po ng tension sa katagal nilang pag-istambay sa lugar na 'yun kaya nagpalitan ng putukan," aniya. Noong Hunyo 12, 2012, nawala ang Jordanian TV reporter na si Baker Atyani ng Al Arabiya news channel at ang dalawang Pilipinong miyembro ng kanyang TV crew, Ramil Vela at Buboy Letriro. Pinaniniwalaang binihag sila ng Abu Sayyaf. Nitong Sabado, napakawalan na sina Vela at Letriro. Maliban kay Atyani, ayon sa mga opisyal, nasa kamay pa ng Abu Sayyaf ang ilang mga bihag sa Sulu, kabilang na sina Dutchman Elwold Horn at Swiss national Lorenzo Vinciguerra, na dinakip sa Tawi-tawi noong Pebrero ng nakaraang taon, at ang Japanese treasure hunter na si Katayama Mamaito, na dinakip naman sa Sulu noong Hulyo 2010. Mahigit 250 miyembro ng Abu Sayyaf at 300 naman mula sa MNLF ang nakasama sa bakbakang nag-ugat mula sa pagtanggi ng Abu Sayyaf sa apela ng MNLF na itigil ang kanilang kidnapping na aktibidad, ayon kay De Leon. Ayon kay Burgos, upang mapigilan ang bakbakan, nagpadala ang militar ng ilan nilang tauhan mula 2nd Marine Brigade. “The AFP through the 2nd Marine Brigade, and PNP [Philippine National Police] units have prevented a spillover of the armed clash,” ani Burgos. “The situation is now under control.” Apektado ang 60 mga pamilya dahil sa bakbakan at kasalukuyan nang tinutulungan ng munisipal na pamahalaan at ng Department of Social Welfare and Development. — Amanda Fernandez/BM, GMA News