ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspended Cebu gov. Garcia, 'di raw nababahala sa naging hatol ng Ombudsman


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi nababahala si suspended Cebu Governor Gwendolyn Garcia sa naging desisyon ni Ombudsman Conchita Morales na nagsasabing nagkasala ng "grave misconduct" ang ilang opisyal ng lalawigan dahil sa pagbili ng Balili Estate noong 2008. Ang desisyon ng Ombudsman ay kaugnay sa memorandum of agreement na pinirmahan ni Garcia para sa lokal na panlalawigan ng Cebu upang bilhin ang lote sa Tina-an, Naga, sa halagang P400 per square meter. Kinakitaan ni Morales ng mga iregularidad ang naturang kasunduan dahil nang panahong iyon ay wala umanong nakahandang pondo ang Cebu para bilhin ang 24 hektaryang lupa na nagkakahalaga ng P98.9 milyon. Sa limang akusado, tanging si Garcia na lamang ang nasa puwesto. “I am unfazed. I am very very confident that all of my actions were above board and transparent," pahayag ni Garcia sa panayam ni Kara David sa GMA News TV's News to Go nitong Martes. Iginiit ni Garcia na may titulo ang biniling lupa ng pamahalaang panlalawigan at nabili nila ito sa mas murang halaga. “Other properties of surrounding areas were now selling at over P2,000 and we bought this at a price of P400 per square meter," pagdiin niya. Idinepensa rin niya na normal na may bahagi ng lote ang nakalubog sa tubig dahil may bahagi na dating fishpond. Nakahanda umano si Garcia na harapin ang naturang kaso. Naniniwala naman ang abogado ni Garcia na si Atty. Tranquil Salvador, na batay sa "Aguinaldo doctrine" ay maituturing "moot" o wala ng saysay ang aspetong administratibo ng kaso matapos na muling mahalal ang kanyang kliyente noong 2010 elections. Haharapin naman nila ang aspetong kriminal ng kaso na "anti-graft practices" na isasampa kay Garcia kaugnay sa pagbili ng Balili estate. Nang tanungin sa programa si Garcia kung pulitika ba ang ugat ng kinakaharap niya kontrobersiya, tugon ng gobernadora: “Perhaps we should direct this question to the... observing public na hindi naman kakampi on either side and they could weigh everything." Si Garcia ay kaalyado ng United Nationalists Alliance (UNA), habang makakalaban nito sa pagka-gobernador sa darating na May elections ang kasalukuyang vice governor na si Agnes Magpale, kaalyado ng Liberal Party. —FRJ, GMA News