ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang kwento ng tatlong ina sa bagong afternoon soap ng GMA-7 na, 'Bukod Kang Pinagpala'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Magkakaiba ang ginawang paghahanda ng tatlong bidang babae na sina Camille Prats, Jackie Rice, at Jennica Garcia sa kanilang gagampanang papel bilang ina sa bagong Afternoon Prime soap ng GMA-7 na, "Bukod Kang Pinagpala." Sa press conference para sa nabanggit na soap nitong Martes sa GMA Network Building, ikinuwento ni Jackie na humingi siya ng tulong sa kanyang ina upang lubos na maunawaan ang kanyang magiging papel sa nasabing show. "Actually wala pong bata sa bahay namin, so ina-ano [tinanong] ko na lang si Mama, sa bahay kasi siya, bumisita siya, kung papaano ba talaga [maging ina]. And siyempre soon, lahat naman ng babae gustong magka-anak," paliwanag niya. "So kung ano na lang 'yong ini-imagine ko sa isip ko, kung papaano maging nanay, 'yon ang ginagawa ko. Pero dito kasi sobrang iba, eh. Gusto ko nga kapag nagka-anak ako, ibang-iba siya kay Janet," patungkol ni Jackie sa karakter na kanyang gagampanan. Samantala, magagamit naman daw ni Camille ang kanyang pagiging ina bilang inspirasyon sa papel na kanyang gagampanan. "As a mother I think I can actually relate to the feeling of kung paano magkaroon ng isang anak and kung gaano kasarap bilang isang ina," pahayag ng aktres. Ito naman ang unang pagkakataon na gaganap sa role na nanay ang 23-anyos na si Jennica. Ibang tema na handog ng GMA's Afternoon Prime Asahan na magiging bago sa panlasa ng mga Kapusong nakatutok sa Afternoon Prime ng GMA-7 ang tema ng "Bukod Kang Pinagpala," na iba sa mga naunang series gaya ng Magdalena at Faithfully. Ang "Bukod Kang Pinagpala" ay istorya ng isang anak, isang ama, at tatlong ina. "Actually, it's a combination always. Hindi naman lahat edgy. Mayroon kaming mga pino-program na iba-ibang timpla o ibang tema. Mayroon din 'yang edgy later on pero it doesn't have to be in this slot," paliwanag ni GMA Entertainment TV's OIC Ms. Lilybeth G. Rasonable. Gaganap si Camille bilang si Bessie, ang asawa ni Leandro Alcuar, ang papel ni Mark Anthony. Sa kanilang pagsasama, mahihirapan si Bessie na mabigyan ng anak ang kanyang asawa. Samantala, si Jennica ay si Ofelia Almazan, mamamatayan ng anak na mag-isa niyang pinalaki. Pinsan siya ni Bessie na magkakaroon ng gusto kay Leandro. Magiging masalimuot ang mga kabanata sa serye sa pagpasok ni Janet Perez, ang papel na gagampanan ni Jackie Rice. Si Janet ang babaeng magiging karelasyon ni Leandro at magkakaroon sila ng anak, si Lara, na gagampanan ni Mona Louise. Sa pagtakbo ng istorya, malalaman kung bakit iiwan ni Janet ang kanyang anak na si Lara, sino kina Ofelia at Bessie ang makakakuha sa bata. Ayon kay Direk Don Michael Perez, pantay pantay ang role na ibinigay sa tatlong aktres. “All three of them were given equal roles. Pati doon sa from the writing, treatment in directing, we made sure na lahat sila ay pwede mong sabihing bukod na pinagpala," pahayag niya. Kasama rin sa serye sina Carl Geuvarra, Frencheska Farr, Krystal Reyes, Djanin Cruz, Zandra Summer, at Carlo Gonzales. Working with Mark Anthony Fernandez Hindi nakadalo sa presscon si Mark Anthony dahil masama ang kanyang pakiramdam, at madaling araw na rin umano nang matapos ito sa taping ng serye. Ayon sa tatlong aktres, masaya sila na makatrabaho si Mark na kilalang mahusay na aktor. "Actually masaya ako dahil alam natin na Fernandez, legend na 'yan sa industriya. First time ko makatrabaho si Mark. Magaling [siya], alam mo 'yon, happy ako na part ako ng show. I'm sure di ba, kakaiba, eh, si Mark kasi 'Gwapings' days pa lang kilala na 'yan. Happy ako," ayon kay Jackie. Ito naman ang pangalawang pagkakataon na makakatrabaho nina Camille at Jennica si Mark. "Si Mark naman po kasi, napakabait na tao, he's a gentleman, madali rin po siyang katrabaho. Kasi kung nahirapan po akong katrabaho siya, hindi po siguro magtatagal ng siyam na buwan na siya lang 'yong kaeksena ko in almost every scene that I do," ani Camille. Ang tinutukoy ng aktres ay ang pinagtambalan nilang palabas na Munting Heredera. "He was really very easy to work with and nagkakasundo rin naman po kami. Actually he wasn't able to make it tonight because he finished [taping] early this morning [Pebrero 05, 2013] na and he wasn't really feeling well. So, all in all, the experience working with Mark was really good," dagdag ng aktres. Samantala, aminado naman si Jennica na nailang siya nung una sa magiging papel nila ni Mark na tinatawag niyang kuya. "So this time naman kasi na mag-i-start 'yong story na wala na 'yong asawa ko, pumanaw na. Magkakaroon kasi ako ng gusto kay kuya Mark," kwento ni Jennica. "So medyo na-o-awkward ako kasi kapatid ko siya, parang kuya ko siya dati, tapos ngayon na iba na 'yong tingin ko sa kanya, iba na 'yong pakikipag-usap ko sa kanya. Medyo awkward lang pero thankful pa rin kasi si kuya Mark tinutulungan niya ako, eh, para medyo gumaang-gaan naman 'yong eksena," patuloy ng young actress. Ang tinutukoy ni Jennica ay ang dating series na Kim Sam Soon, kung saan nakatrabaho niya si Mark at gumanap na kuya niya sa naturang dating Kapuso primetime show. Mapapanood ang bagong handog ng GMA-7 sa Afternoon Prime na "Bukod Kang Pinagpala" simula ngayong Pebrero 11, pagkatapos ng "Yesterday's Bride". - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News