Kaso ng dengue sa lalawigan ng Iloilo, tumaas
Higit na mas mataas ang kaso ng dengue sa lalawigan ng Iloilo sa unang buwan ng 2013, kumpara sa naitala sa kaparehong buwan noong 2012. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing batay sa datos ng Provincial Health Office ng Iloilo, umabot sa 112 ang kaso ng dengue sa buong buwan nitong nagdaang Enero ng taon. Halos triple ito kung ikukumpara sa dengue cases noong Enero 2012 na umabot lang sa 34. Pinakamarami ang naitalang kaso ng dengue sa bayan ng Banate (44), sumunod ang Cabatuan (6), Calinog (6), Oton (6), Potota (6) at Sara (5). Ang isang nasawi sa dengue noong Enero ay residente ng Banate. Muli namang nagpayo ang health office sa mga residente na palaging maglinis ng paligid para hindi mamahay ang mga lamok na nagdadala ng sakit. -- FRJ, GMA News