Bahay ng ilang lokal na opisyal sa Agno, Pangasinan, sinalakay dahil sa armas
Ilang hindi lisensiyadong baril at iba't ibang uri ng bala ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang lokal na opisyal sa Agno, Pangasinan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing isinagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad sa tatlong bahay sa Agno matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga nakatagong iligal na armas. Unang pinuntahan ng mga operatiba ang bahay ng alkalde ng Agno kung saan nakuha ang isang M-16 Armalite rifle na paso na ang lisensiya. Mahigit 200 piraso rin ng bala ang nakuha sa bahay ng alkalde na tumangging magbigay ng pahayag. Sunod na sinalakay ang bahay ng isang kapitan ng barangay sa nabanggit na munisipalidad. Dito ay isang kalibre 45 na baril ang nakuha ng mga awtoridad at mahigit 50 piraso ng iba't ibang uri ng bala. Hindi naman inaabutan sa bahay ang kapitan. Isang baril din at mga bala ang nakumpiska sa bahay na pag-aari ng isang lalaki na hinihinalang miyembro ng isang private armed group. Nadakip ang suspek pero itinanggi nito na ginagamit niya sa krimen ang nakumpiskang baril. - FRJ, GMA News