ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rider, patay nang sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na trak


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang 31-anyos na lalaki nang bumangga ang sinasakyan niyang motorsiklo sa kasalubong na delivery truck sa Roman Superhighway sa barangay Laon sa Abucay, Bataan nitong Huwebes ng gabi. Kinilala ni Senior Police Officer 3 Allan Salalila, imbestigador ng Abucay police, ang biktima na si Relex Bueno, residente ng barangay Alauli sa bayan ng Pilar sa Bataan. Batay sa imbestigasyon, dead on the spot ang biktima matapos itong tumilapon at humampas ang ulo sa sementadong kalsada. Nagkabasag-basag din umano ang suot na crash helmet ni Bueno. Ayon kay Emerito Leonardo, drayber ng delivery truck, at residente ng Florida Blanca, Pampanga, pauwi na siya nang makasalubong ang humaharurot umanong motorsiklo na pinapatakbo ng biktima. “Humaharurot ang motorsiklo dahil pababa ang daan, kinuha ang linya ko at lumabas sa yellow lane at sinalpok kami," kwento ng drayber. Pansamantalang nakadetine si Leonardo sa Abucay police station habang patuloy pa ang imbestigasyon, ayon kay Senior Insp. Galahad Taqueban. Abucay police chief. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News