ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mall sa Quezon City, bumagsak sa inilatag na security test ng PNP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nadismaya ang hepe ng Quezon City Police District matapos sumablay sa inilatag nilang security test nitong Biyernes ang isang mall sa lungsod na nagkaroon ng putukan ng baril noong nakaraang buwan. Sa ulat ng dzBB radio, lumitaw na nakalusot sa mga security guard at nakapagpasok ng baril sa loob ng Robinsons Magnolia ang mga pulis na nagpanggap na sibilyan sa isinagawang pagsubok. Ayon kay QCPD chief Senior Superintendent Richard Albano, ang naturang insidente ay pagpapakita ng kahinaan ng seguridad sa naturang mall at plano nilang gawin ang pagsubok sa iba pang establisimyento sa lungsod. Lumitaw na sa unang pagsubok, isang pulis na nagpanggap na sibilyan ang naglagay ng baril sa kanyang baywang at hindi ito napansin ng guwardiya kaya naipasok. Isang pulis din na nagpanggap na sibilyan ang pumasok sa mall na may dalang baril sa loob ng bag. Bagaman nakita ang baril, pinabayaan umano ng guwardiya na maipasok ang armas matapos na magpakilalang pulis ang lalaki at hindi na hinanapan ng identification card. Noong nakaraang Enero 30, nagkaroon ng putukan ng baril sa nabanggit na mall matapos na makipagbaril sa guwardiya ang umano'y miyembro ng "Donut Gang," o grupong nagnanakaw ng mga gulong ng nakaparadang mga sasakyan sa mall. — FRJ, GMA News