Libreng dialysis at may ipababago sa birth certificate ng mga mahihirap, iminungkahi
Dalawang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong makatulong sa mga mahihirap na kailangang magpa-dialysis at may ipababago sa maling tala sa birth certificate. Sa House Bill 6784, nais ng may-akda na si Southern Leyte Rep. Roger Mercado, huwag singilin sa mga ospital at center ng pamahalaan ang mga mahihirap na walang pambayad sa dialysis. Ayon sa kongresista, patuloy na tumataas ang bilang ng mga Pilipino na nagkakaroon ng sakit sa bato at apekto nito maging ang mga mahihirap. “The number of people who are suffering from kidney diseases has shown an alarming trend. The sad thing to note is that a large number of kidney patients are in need of dialysis treatment which in most cases is unaffordable to the patient," paliwanag ni Mercado. Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Department of Health na maglaan ng pondo bawat taon upang maipatupad ang layunin na mailibre sa pagpapa-dialysis ang mga mamahihirap. “The State cannot turn a blind eye on the sad fate of those who cannot afford a dialysis treatment," ani Mercado. “The provision of free dialysis treatment will make health services available to our people." Birth certificate Nais naman ni Camiguin Rep. Pedro Romualdo na huwag nang singilin sa publication at correction sa mga maling tala sa birth certificate ang mga mahihirap. Nais niya na amyendahan ang Republic Act (RA) No. 9048 na nagtatakda ng pagtutuwid sa mga mali sa birth certificate upang maisama ang probisyon na maglagay ng exemption sa publication requirements ang mga mahihirap. Nakasaad sa Section 3 ng RA 10172 na, “The petition for change of first name or nickname, or for correction of erroneous entry concerning the day and month in the date of birth or the sex of a person, as the case may be, shall be published at least once a week for two (2) consecutive weeks in a newspaper of general circulation." Ayon sa kongresista, ang kamahalan ng bayad sa pagpapalabas ng anunsyo sa pahayagan ay balakid umano sa mga mahihirap upang ipabago ang mga maling tala sa birth certificate. Upang makakuha ng exemption, nakasaad sa panukala ni Romualdo na kailangan lamang kumuha ang mahirap na pamilya ng certification of indigency sa local social welfare officer ng lokal na pamahalaan kung saan ihahain ang petisyon para sa hihilinging pagwawasto sa maling tala sa birth certificate. - RP/FRJ, GMA News