'Crising', nag-landfall sa Davao Sur; lalaki, iniulat na nasawi Compostela Valley
Nagdulot ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Mindanao nitong Martes ang bagyong "Crising" na tumama sa kalupaan ng Davao del Sur, ayon sa state weather forecasters. Sa ulat ng Office of Civil Defense Region 11, isang lalaki ang nasawi nang malunod sa isang ilog sa New Bataan sa Compostela Valley nitong umaga ng Martes. Ayon kay PAGASA forecaster Samuel Duran, taglay ni "Crising" ang pinakamalakas na hangin na 45 kph at inaasahang kikilos patungo sa west-northwest sa bilis na 22 kph. "Kaninang 1 p.m. ito nag-landfall sa southern tip ng Davao del Sur," pahayag ni Duran sa panayam ng dzBB radio. Ilang residente naman sa tatlong lugar sa Davao City ang inilikas nitong Martes matapos umapaw ang tubig sa ilog sa kanilang lugar. Sa impormasyon na ibinigay ng disaster risk reduction and management office, umapaw ang Upper at Lower Sangilangan at Waan River dakong 1:50 p.m. Una rito, nagpalabas din ng babala ang lokal na pamahalaan tungkol sa posibleng pag-apaw ng Davao River at Lasang River kaya inalerto ang mga residente na posibleng maapektuhan. Dahil sa bagyo, kinansela ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang klase sa elementarya at high school nitong Martes. Pinsala ni 'Crising' Sa ulat ng dzBB radio nitong Martes, kinilala ang lalaking nasawi sa Compostela Valley si Francisco Digaynon Jr. Sinabing binabagtas ng biktima ang isang ilog sa New Bataan nang tangayin ito ng malakas na agos. Inihayag naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na dalawang tao ang nasaktan sa landslide na naganap sa barangay Malasalug, Sapad, Lanao del Sur. Umabot naman sa 12 domestic flights ang kinansela dahil sa masamang lagay ng panahon. Idinagdag ng NDRRMC na nagkaroon ng pagbaha sa mga barangay ng Siagao, Patong, San Roque, Poblacion at Baras sa bayan ng San Miguel sa Surigao. May pagbaha ring naganap sa barangay Anahao sa bayan ng Tago.— FRJ, GMA News