We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pormal nang tinanggihan ng China ang hakbang ng Pilipinas na dumulog sa United Nation upang pag-usapan ang gusot sa West Philippine Sea, at sinabing ang mga alegasyon laban sa Beijing ay hindi katanggap-tanggap. Ayon sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), natanggap nito hapon ng Martes ang "note verbale" mula kay Chinese Ambassador to the Philippines Ma Keqing na nagsasabing: "China is rejecting and returning the Philippines’ Notification and Statement of Claim." Sa naturang note verbale, muling iginiit ng China na sakop nito ang halos buong West Philippine Sea ayon sa nakasaad sa "nine-dash line," kasama na ang ilang mga lugar na nakapaloob na sa teritoryo ng Pilipinas.
China claims the area within its nine-dash lines. GMA News
Sa kabila umano nito, ayon sa DFA, ang Pilipinas ay umaasa pa rin sa isang diplomatikong solusyon sa gusot. [The Philippines remains] “committed to arbitration which is a friendly, peaceful and durable form of dispute settlement that should be welcomed by all.” Ayon naman sa Chinese state news Xinhua, sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesman Hong Lei na ang "note and statement of notification and claim" ay depektibo. [It has] “serious mistakes both in facts and law.” Magpapatuloy umano ang "arbitration process" kahit binalewala ng China ang hakbang para sa mapayapa at diplomatikong paraan sa pagresolba ng gusot dahil sa pag-aagawan ng teritoryo, ayon sa mga opisyal ng Pilipinas. Pero, sinabi rin nilang taliwas umano ang paniniwala ng ilang Chinese experts ukol sa desisyon ng Beijing. Bahala na umanong magdesisyon ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung itutuloy ang pagdinig sa reklamo ng Pilipinas kahit wala ang China. Noong ika-21 ng Enero, dumulog sa UNCLOS ang Pilipinas para masimulan na ang arbitration process, at sinabi nito sa kanyang reklamo na “illegal” ang pag-angkin ng China sa halos buong West Philippine Sea (South China Sea). Maliban sa China at Pilipinas, tatlong iba pang miyembro ng Association of South East Asian Nations – Vietnam, Brunei at Malaysia – ang mayroon ding "claim" sa pinag-tatalunang mga bahagi ng karagatan. Iginiit ng Manila na dapat pag-usapan ang isyu sa loob ng mga panuntunan sa ilalim ng UNCLOS, isang kasunduan noong 1982 na pinirmahan ng 163 na mga bansa, kabilang na ang Pilipinas at China. Samantala, iginiit ng China na kasaysayan umano pinagbatayan ng kanyang claim at hindi ang kung ano ang nakasaad sa UNCLOS. Ang pinagtatalunang mga lugar sa West Philippine Sea ay nasasakupan ng mga kumpol-kumpol na mga isla na pinaniniwalaang mayaman sa natural gas. — LBG, GMA News