ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Yoko Ono, bibigyan ng pagkilala ng Kamara dahil sa pagtulong sa 'Pablo' victims


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dahil sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong "Pablo," isang resolusyon ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong parangalan si Yoko Ono, ang biyuda ng Beatles legend na si John Lennon. Sa House Resolution 3020, sinabi ni Quezon City Rep. Winston Castelo na kahanga-hanga ang pagmamalasakit na ipinakita ni Ono sa mga biktima ng bagyo matapos itong magkaloob ng $10,000 donasyon. “This Resolution is a token of the Philippine government’s appreciation for the supreme acts of charity and generosity that Ms. Ono has done and continues to do in furtherance of the welfare of schoolchildren, disaster victims and those similarly marginalized in our body polity," ayon sa kongresista. Ayon kay Castelo, ipinadala ni Ono ang kanyang donasyon sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Tokyo nitong nakaraang Enero. “She learned about the disastrous effects of Pablo in Mindanao following a personal visit she made to the official residence of the Philippine Ambassador to Japan on December 5, 2012," dagdag ng kongresista. Napag-alaman na ang bahay na dating tinirhan ni Ono na pag-aari ng kanyang tiyuhin na si Iwajiro Yasuda, ay naibenta kay dating Pangulong Jose P. Laurel. Ang nasabing bahay ay napunta naman sa pamamahala ng gobyerno ng Pilipinas matapos ang World War II. Ipinaalam umano ni Ono kay Ambassador Manuel Lopez ang pasasalamat nito sa pamahalaan ng Pilipinas sa ginawang pagpreserba sa bahay na kanyang kinalakihan, ayon kay Castello. Idinagdag ng mambabatas na noong 2009 ay nagbigay din ng donasyon si Ono sa mga biktima ng bagyong Ondoy umaabot sa P2.5 milyon. “A copy of this Resolution should be sent to the Philippine Embassy in Tokyo and another copy for Ms. Yoko Ono as a token of the Philippine government’s appreciation for her charitable projects in the country," ayon sa kongresista. - RP/FRJ, GMA News

Tags: yokoono, pablo