Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Fil-Am Adriana Latonio makes it to Top 20 of American Idol Season 12

February 21, 2013 11:11pm



video uploaded by jt7o

“Are you a Filipino?" tanong ng American Idol Season 12 judge na si Nicki Minaj sa 17-year-old Anchorage, Alaska-resident na si Adriana Latonio.

“Yes, Ma’am," sagot agad ni Adriana.

Isa si Adriana sa sampung babaeng contestants ng American Idol ngayong season na nag-perform sa Cirque du Soleil’s The Beatles’ Love theatre sa The Mirage, Las Vegas, ngayong araw, February 21 (February 20 sa U.S.).

Isa rin siya sa limang napili na mag-move on para maging bahagi ng Top 20 picks ng show.

Napahanga kasi nang husto si Minaj at ang kanyang fellow judges na sina Keith Urban, Randy Jackson, at Mariah Carey sa galing at confidence ni Adriana nang kantahin nito ang Aretha Franklin-classic na “Ain’t No Way."

Sabi nga ni Minaj—na nag-concert sa SM Mall of Asia Arena nung nakaraang taon—matapos ang palitan nila ng batian ni Adriana, nakapagsulat agad siya ng masasabi nang humarap na sa kanila ang Fil-Am aspiring singer.

Ani Minaj, “Little tiny thing but commands the stage from the second she walks out."

Katuwiran pa ng “Super Bass" singer, wala raw siyang nakita ni katiting na takot o kaba kay Adriana nang nag-perform ito, bukod sa maganda raw talaga ang boses nito.

“There is no fear…and being we’re so close to you guys, we get to see you trembling and shaking, and everything… I didn’t see one ounce of fear in you.

“So, apart from the vocal being great, I think you’re poised and ready. You almost feel like you’ve already been doing this…" dagdag pa ng Trinidad and Tobago-born artist.

Bago pa nagbigay ng kanyang comment si Nicki matapos ang performance ni Adriana, nakakuha na ng magandang komento ang Filipino-American contestant mula sa Aussie country singer na si Keith Urban.

Aniya, “I don’t want to emote too much and have you become too aware of people’s reaction and have it unhinge your performance, but it was really hard to not react because it’s so damn good!"

Si Randy Jackson naman—ang nalalabing original judge ng American Idol—ay napahanga rin sa kumpiyansa sa sarili ni Adriana.

“This girl was born to do it," komento ni Randy. “That kind of confidence at 17… and to come that close to us, like, ‘Yo! I’m gettin’ this!’

Hanga rin si Jackson—isang record producer na nakatrabaho ng mga magagaling na musicians at singers sa Hollywood—sa vibrato at taas ng vocal range ni Adriana.

“This girl is a pro!" deklara tuloy ni Jackson.

Si Mariah naman, na nakuhanan pa ng camera na nakikikanta habang nagpe-perform si Adriana, ay binati ang teen singer sa magandang rendition nito ng kinukunsidera niyang “Biiiig song."

Sabi ni Mariah, hindi biro ang pagkanta sa mga awitin ng tinaguriang “Queen of Soul" ng American music scene na si Aretha Franklin.

Very proud daw at natutuwa naman ang isa sa best-selling musical artists of all-time (with more than 200 million records sold worldwide) sa rendition ni Adriana ng “Ain’t No Way."

“I really love how you came through with your version of the song…" ani Mariah.

Animo guro na nagbigay pa ng grado si Mariah nang tapusin niya ang kanyang comment kay Adriana: “A-plus!"

TWO MORE FIL-AMS. Ang iba pang female contestants na magiging bahagi ng AI Season 12 Top 20 matapos ang elimination night na ito ay sina Teena Torres, Kree Harrison, Amber Holcomb, at Angela Miller.

Sa Biyernes, February 22 (February 21, sa U.S.), nakatakda namang pumili ng limang male contestants na mapapabilang din sa Top 20. Sampung lalaking contestants ang magpe-perform.

Ang sampung kalalakihang ito ay kasama sa 20 male picks mula sa Hollywood eliminations nung mga nakaraang linggo.

Isa rito ay ang Filipino-American din na si Bryant Tadeo mula sa Hawaii.

Sa susunod na linggo, muling magkakaroon ng elimination night para sa dalawang batches ng sampung babae at sampung lalaki.

Dito, muling kukuha ng tigli-limang contestants mula sa dalawang batch na kukumpleto sa Top 20 ng AI Season 12.

Sa darating na Vegas elimination night na ito, mapapanood naman ang isa pang babaeng contestant na may dugong-Filipino, ang Seattle-native na si Jett Hermano.

Bago ang episode na ito ay hindi gaanong nabigyan ng exposure ang tatlong Fil-Am singers, kaya ngayon pa lamang sila nakikilala ng publiko. -- Rommel R. Llanes, PEP