GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy
»
Eleksyon 2013

Diocese ng Bacolod, naglabas ng listahan ng mga kandidato ng 'Team Buhay' at 'Team Patay'

February 22, 2013 11:59pm
Naglabas ng listahan ng mga kandidato na dapat at hindi dapat suportahan sa darating na halalan ang Diocese of Bacolod na hinati sa "Team Buhay" at "Team Patay" na may kaugnayan sa usapin ng kontrobersiyal na Reproductive Health law.

Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabing sinabayan ng misa ng San Sebastian Cathedral sa Bacolod City ang ginawang kampanya doon ng mga kandidato ng "Team PNoy" ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III.

Sa labas ng simbahan, nakalagay ang poster kung saan nakasulat ang pangalan ng mga kandidato at party list groups na isinama nila sa "Team Buhay" na dapat suportahan dahil sa pagtutol sa RH bill. At ang listahan ng "Team Patay" na minarkahan ng ekis dahil sa pagsuporta sa nasabing batas na mahigpit na tinutulan ng Simbahang Katoliko.



Nakalagay sa Team Patay ang mga pangalan nina Aurora Rep. Juan Edgardo “Sonny" Angara, Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, Sen. Alan Peter Cayetano, Cagayan Rep. Jack Enrile, Sen. Francis Escudero, Sen. Loren Legarda at dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros.

Nasa listahan din ng Team Patay ang party-list groups na Gabriela, Akbayan, Bayan Muna, at Anak Pawis.

Samantala, inirekomenda naman sa Team Buhay sina San Juan Rep. JV Estrada, Sen. Gregorio Honasan, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, Sen. Koko Pimentel, Sen. Antonio Trillanes, at dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar.

Nasa Team Buhay din ang party-list na Buhay at Ang Pamilya.

“We want to instill in the minds of our faithful that it is a matter of conscience. It’s not for any other reason, political or whatnots personal. But, it is more of educating our people that it is about time that they should really form their conscience and vote for people that should really be responsible for life," pahayag ni Bishop Vicente Navarra sa “24 Oras."

Idinagdag ng obispo na simula sa Linggo ay babasahin nila sa misa ang mga pangalan na nasa listahan ng Team Patay at Team Buhay.

Mali ang paratang

Nanindigan naman ang mga kandidatong nakalista sa Team Patay na kabutihan ng mga mamamayan ang kanilang nasa isip sa pagsuporta sa RH law.

“Siyempre, mali rin yung sabihin na kami yung Team Patay dahil kaya rin namin ipinaglaban yung panukalang batas na iyon e dahil naniniwala kami na pagandahin ang kalidad ng mga Pilipino," paliwanag ni Angara.

Sinabi naman ni Cayetano na hindi umano ito ang tamang panahon para bansagan ng Simbahan ang ilang kandidato. Iginiit niya na kasama siya sa "Team Pitik" na lumalaban umano sa kawalan ng trabaho at pagtaas ng bilihin.



Para naman kay Escudero, sinabi nito na ipauubaya na lamang niya ang pasya sa mga mamamayan.

Ikinalungkot din nina Hontiveros at Casiño at party-list groups na Gabriela, Akbayan at Bayan Muna ang ginawang paglalabas ng listahan ng Simbahan.

“Team Quality ng Buhay ang team ko. Nakakalungkot ang ginawa ng diocese at ni Father. ‘Di lang paglabag sa Separation of Church and State, pero disappointing dahil sana nirespeto ang desisyon ng karamihan ng mamamayan," aniya.

Ipinaliwanag naman ni Casiño na sinuportahan niya ang RH law dahil makabubuti ito sa maternal health care ng ina at mga bata, at hindi kasama rito ang abortion.

Ayon naman kay Legarda: “Binasa ko ang batas at wala talagang probisyon on abortion because I am against abortion. I respect the church’s position and I will make a call on the church and see so that we can all explain."

Sa kabila ng ipinalabas na listahan ng diyosesis, tiwala si Sen. Franklin Drilon, campaign manager ng Team PNoy, na makakakuha ng lubos na suporta sa lalawigan ang kanilang mga kandidato.

“We are saddened by such tagging of some of our candidates. But we will continue to present Team Pnoy to the people of Negros Occidental and we are confident that we will win big in Bacolod because of the broad support of President Noynoy and our candidates," pahayag ni Drilon. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus