ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bus na nasangkot sa aksidente sa Benguet, walang prangkisa, ayon sa LTFRB


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Napag-alaman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na walang prangkisa ang tourist bus na nasangkot sa trahedya sa Tuba, Benguet kung saan pito katao ang nasawi noong Huwebes. Ayon kay Francisco Mendoza, tagapagsalita at executive director ng LTFRB, ito ang kanilang natuklasan nang simulan nilang silipin ang record ng bus. "Ang problema sa ganitong aksidente walang prangkisa ... In this case there is nothing to suspend kasi walang prangkisa," pahayag ni Mendoza sa panayam ng dzBB radio nitong Sabado. "Pina-retrieve namin ang records and na-discover namin ang naaksidenteng unit walang prangkisa; kumbaga colorum," dagdag niya. Batay sa nakuhang impormasyon ni Mendoza, sinabi nito na nag-aplay ng prangkisa ang kumpanya ng bus pero hindi pa umano ito naaprubahan. Sa ngayon, inaalam na rin umano nila kung mayroon pang ibang unit ang may-ari ng bus na ibinabiyahe nang walang prangkisa. Sa isang ulat ng pahayagang Manila Bulletin, sinabing ang nabanggit na tourist bus ay pag-aari ng Mhel Ben Motors Corporation, at minamaneho ni Roger Abayalde nang maganap ang trahedya. Nagpaalala naman si Mendoza sa mga paaralan na alamin ang rekord ng mga bus na ginagamit sa kanilang field trip kung may prangkisa. "Dapat ang paaralan i-verify kahit sa regional office ng LTFRB kung ang bus na kukunin nila e authorized o kung may prangkisa," payo niya. Naganap ang aksidente nitong Huwebes ng gabi sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet kung saan binangga ng bus ang kasalubong na trak. Bukod sa pitong nasawi, 34 na iba pa ang nasaktan sa nasabing sakuna. — FRJ, GMA News