ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kandidatong bise alkalde sa Infanta, Pangasinan, idinawit sa pagpatay kay Martinez


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinampahan ng kasong murder ang isang abogado na kakandidatong bise alkalde ng Infanta, Pangasinan kaugnay sa pagpatay sa dating alkalde ng bayan na si Ruperto Martinez. Sa ulat ni Jazmin Gabriel ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing kinasuhan ng murder ng magkapatid na ng Richard at Marvin Martinez sa Provincial Prosecutor's Office si Atty. Florante Miano. Iginiit ng magkapatid na si Miano lang umano ang may motibo para ipapatay ang kanilang ama na si Martinez, na tatakbo rin sanang bise alkalde sa kanilang bayan sa darating na May elections. Bukod sa usapin ng pulitika, isa rin umano si Miano sa mga tumutuligsa sa operasyon ng black sand mining sa Infanta na isinusulong naman ng pinaslang na alkalde. Sa isang panayam, mariing pinabulaanan ni Miano ang akusasyon sa kanya at iginiit na hindi siya bayolenteng tao. Basahin: Gov. Espino, masama ang loob sa pagdawit sa kanya sa pagpatay sa mayor ng Infanta "I deny it. I have nothing to do with that," anang abogado. "But of course, I am ready to answer because (ang kaso) alam ko naman 'yan ang role ko diyan sa ating bayan sa Infanta." Idinagdag ni Miano na maging ang dating alkalde ng Infanta bago pa man maupo si Martinez ay kinasuhan din niya. Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Pangasinan, lumilitaw na wala umanong katibayan na mag-uugnay kay Miano sa kaso batay sa testimonya ng mga testigo. Nauna na ng kinasuhan ng murder ng National Bureau of Investigation sa Department of Justice sina Pangasinan Gov Amado Espino Jr at 1st District Pangasinan Rep. Jesus Celeste. Ito'y matapos na ituro umano ng testigo na may kinalaman ang dalawang opisyal sa pagplano sa pagpatay kay Martinez. Kapwa itinanggi nina Espino at Celeste ang paratang sa kanila. -- FRJ, GMA News