ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Pulitika, nakaapekto na sa pagkakaibigan nina Susan Roces at Erap Estrada?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ng aktres na si Sheryl Cruz na nakaapekto umano sa pagkakaibigan ng kanyang tiyahin na si Susan Roces at dating Pangulong Joseph Estrada ang pagtanggal kay Grace Poe-Llamanzares sa listahan ng guest senatorial candidates ng United Nationalists Alliance (UNA). Si Grace ay anak nina Susan at namayapang action king na si Fernando Poe Jr., na matalik na kaibigan naman ni Erap. Isa si Grace sa 12 kandidatong senador ng Team PNoy na pinangungunahan ng Liberal Party ni Pangulong Noynoy Aquino III. Sa simula ng kampanya, kasama rin si Grace sa tatlong guest senatorial candidates ng UNA, kung saan isa si Erap sa mga lider kasama sina Vice President Jejomar Binay at Senate President Juan Ponce Enrile. Pero nitong nakaraang linggo, nagdesisyon ang UNA na alisin na sa listahan ng kanilang kandidato ang tatlong guest candidates dahil hindi naman sumisipot ang mga ito sa kanilang kampanya. Panoorin ang video: Ex-Pres. Estrada, ikakampanya pa rin si Grace Poe kahit tinaggal na siya sa lineup ng UNA Sa panayam ng media kay Sheryl sa campaign sorties ng Team PNoy sa Bukidnon -- kung saan siya ang naging kinatawan ni Grace dahil hindi ito nakarating sa nabanggit na lalawigan -- inamin ng aktres na dinamdam ng kanyang tita Susan ang pagkakaalis ni Grace sa listahan ng UNA. Naniniwala kasi sila na may magagawa si Estrada na hindi malaglag si Grace sa listahan ng UNA kung talagang nanaisin ng dating pangulo. “I can say my aunt (Susan) is affected, she is sad. She's kind a disappointed and I could also say that although my cousin is trying to be strong, I could say kahit papapano masakit," paglalahad ng aktres. Si Grace at Sheryl ay kapwa inaanak ni Erap sa binyag. Paniwala niya, maaaring hindi sapat ang matagal na pagkakaibigan ng kanyang tito (FPJ) at Erap pagdating sa pulitika. “Siguro, for me, what I see is the friendship between my uncle and my ninong at everything ay madadala na pati ang anak," aniya. “But there are times talaga siguro that friendship is not enough. Dagdag pa ni Sheryl: “Now ko lang nare-realize na hindi lang pala sa showbiz nagkakaroon ng tampuhan, siguro everyone human nature na din naman ‘yun, mapa-politika at mapa-artista. Kahit ano pa mang profession, basta may makakatampuhan ka talaga." Sa mga naunang panayam, sinabi Estrada na hindi lang siya ang nagdidesisyon at nasusunod sa UNA kaya naalis sa kanilang listahan si Grace. Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng hidwaan ang ilang showbiz personalities dahil sa pulitika. Basahin: Sharon Cuneta at Helen Gamboa, nagkaayos na pagkatapos ng naging hidwaan Minsan na ring naging laman ng mga balita ang naging hidwaan nina Sharon Cuneta at kanyang tita Helen Gambao. Si Sharon ay asawa ni Sen. Francis Pangilinan, habang maybahay ni Sen. Tito Sotto si Helen. Sinasabing nagsimula ang lamat sa relasyon ng pamilya noong 2004 elections nang sumuporta si Sen. Sotto sa presidential campaign ni FPJ. Nang panahong iyon, nakaalyado ang partido ni Sen Pangilinan na LP sa grupo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa canvassing ng mga boto sa nabanggit na eleksiyon, naging pamoso ang linyang "noted" ni Pangilinan sa tuwing nagrereklamo ang kampo ni FPJ tungkol sa mga binibilang na boto. Naging kontrobersiyal ang panalong iyon ni Arroyo sa action star. Pero higit na naging mainit ang sitwasyon para sa pamilya nina Sharon at Helen nang hingin umano ng Mega Star ang suporta ng kanyang tito na si Sen Sotto para sa planong pagtakbong Senate President ng kanyang mister na si Pangilinan. Hindi umano napagbigyan ni Sen. Sotto ang hiling ni Sharon dahil mayroon na itong commitment sa iba sa naturang posisyon. - RP/FRJ, GMA News