ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis, patay sa ambush sa Iloilo; tatakbong konsehal, binaril sa loob ng bahay sa La Union


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang pulis na pauwi na kaniyang bahay ang binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang salarin sa Sara, Iloilo nitong Miyerkules ng umaga. Sa ulat ni Melinda Catahay sa dzBB-Iloilo, kinilala ang biktima na si PO3 Marlino Ables, nakatalaga sa bayan ng San Dionisio, Iloilo. Sa inisyal na imbestigasyon, sakay umano ng kanyang motorsiklo si Ables at pauwi na sa kanyang bahay dakong 10:00 a.m. nang barilin ito ng suspek na nakasakay din sa motorsiklo. Nasawi ang biktima dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pagpatay kay Ables. Binaril sa loob ng bahay Sa San Fernando, La Union, patay naman ang isang kakandidatong konsehal sa nabanggit na lungsod sa darating na halalan, nang barilin siya ng salarin sa loob mismo ng kanyang bahay. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon, inihayag ng pulisya na naglalaro ng baraha sa loob ng kanyang bahay ang biktima si Danilo Nisperos Sr., nang pasukin at barilin ng hindi pa nakikilalang suspek. Hinihinala ng mga kamag-anak ng biktima na pulitika ang motibo sa pagpatay dito. Noong 2010, tatakbo rin sa eleksiyon si Nisperos nang pagbabaril ng mga hindi nakilalang suspek. Nakaligtas si Nisperos pero nasawi ang kanyang misis. Pero paniwala ng pulisya, usapin ng iligal na droga ang maaaring motibo sa pagpatay kay Nisperos. Hindi naman nagbigay detalye ang pulisya kung ano ang koneksiyon ng biktima sa iligal na droga. - FRJ, GMA News