ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 mangingisdang Pinoy, inatake ng pating; 1 nakaligtas, 1 nawawala


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang mangingisdang Pinoy na mula sa Malapatan, Sarangani ang inatake ng mga pating sa karagatang sakop ng Indonesia. Isa sa kanila ang nakaligtas, habang hindi na nakita ang bangkay ng isa pa. Sa ulat ni Jennifer Solis ng GMA-GenSan sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing nakauwi na nitong Huwebes sa Sarangani ang nakaligtas na mangingisda na si Eleazer Pabrea. Ginagamot pa rin ang malalalim na sugat na tinamo ni Pabrea sa binti na sinasabing sanhi ng kagat ng pating. Kwento ni Pabrea, nangisda sila ng kanyang kasama na si Ariel Aying noong Pebrero 5 gamit ang isang maliit na bangka. Hindi umano nila inasahan na lalakas ang hangin at alon na naging dahilan ng pagtaob ng kanilang bangka. Tinangay ng agos ang magkaibigan hanggang sa karagatang sakop ng Indonesia. Nang maramdaman nilang may kumakagat sa kanilang paa, sinikap umano nilang ayusin ang kinakapitang bangka. Subalit malaki umano ang naging sugat ni Aying na dahilan para maubusan ito ng dugo at mamatay. Nagawa naman ni Pabrea na makalangoy palayo sa lugar hanggang sa nasagip siya ng iba pang mangingisda pagkaraan ng ilang oras. Gayunman, hindi na nila nakita ang katawan ni Aying. Matagal nang nangingisda si Pabrea pero ngayon lang umano siya inatake ng pating. Bagaman nagka-trauma sa kanyang sinapit, sinabi nito na babalik muli siya sa pangingisda. - FRJ, GMA News