ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Oil spill sa Region I, umabot na sa Ilocos Norte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Apektado na rin ng oil spill ang baybayin ng Paoay sa Ilocos Norte, na ang langis na kumakalat ay pinaniniwalaang nagmula sa barkong lumubog sa Bolinao, Pangasinan. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, ipinakita ang mga bato sa baybayin ng barangay Masindoc na kinapitan na ng kumakalat na langis. Ang lugar ay bahagi ng Culili Point kung saan makikita ang sikat na sand dunes ng Ilocos. Apektado na rin umano ng kumakalat na langis ang mga sea weeds at nangangamba ang mga mangingisda sa masamang epekto nito sa iba pang yamang-dagat na kanilang kabuhayan. Kaya naman nagsisikap na ang mga residente at barangay officials sa lugar na linisin ang mga dumikit na langis. Hindi pa rin matiyak ng Philippine Coast Guard (PCG) kung saan nanggaling ang kumakalat na langis pero hinihinala nilang nanggaling ito sa barkong lumubog sa Bolinao. Bukod sa Bolinao at Paoay, apektado rin ng oil spill ang walong bayan sa Ilocos Sur at tatlong bayan at isang lungsod sa La Union. -- FRJ, GMA News