Commercial building sa Davao City, natupok; batang babae, patay naman sa sunog sa Q.C.
Aabot sa P3 milyon ang halaga ng pinsala sa nasunog na bahagi ng isang commercial building sa Davao City. Sa Quezon City, isang batang babae ang nasawi nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa unang araw ng Fire Prevention Month. Sa ulat ni Tek Ocampo sa Balita Pilipinas Ngayon, sinabing nahirapan ang mga bumbero ng Davao City na apulahin ang apoy na tumupok sa ikalimang palapag ng gusali dahil sa mga nakaimbak na panindang appliances. Kinailangan pa ng mga naunang bumbero na dumating sa lugar na humingi ng saklolo sa iba pang fire station sa lungsod upang mapagtulungang mapuksa ang apoy. Ayon sa ilang saksi, nakarinig sila ng pagsabog mula sa gusali bago lamunin ng apoy ang mga panindang appliances. Patuloy pang inaalam kung ano ang sanhi ng sunog. Ligtas din ang mga empleyado ng establisimyento. Bata, nasawi sa Q.C. Samantala, isang siyam-na-taong-gulang na babae ang nasawi at isang volunteer firefighter ang nasugatan sa nasunog na residential area sa Quezon City. Sa ulat ng dzBB radio, kinilala ang nasawi na si Ana Relano, na magdiriwang sana ng kanyang kaarawan ngayong Biyernes bagaman ang tunay na araw ng kanyang kaarawan ay pumatak ng Feb. 29. Nakita ang mga labi ni Ana sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Tagumpay. Nasaktan naman ang volunteer firefighter na si Angel Ahala ng Sampaloc, nang bumagsak ang tinutungtungan niyang bubong. Naging mahirap sa mga bumbero na apulahin ang apoy dahil sa makipot na daan sa lugar. - FRJ, GMA News