2 hinihinalang magnanakaw, napatay ng guwardiya ng Bureau of Immigration
Dalawang hinihinalang magnanakaw ang binaril at napatay ng isang guwardiya nang pasukin nila ang compound ng Bureau of Immigration sa Maynila nitong Biyernes ng maghahating-gabi. Sa ulat ng dzBB radio, sinabi ng opisyal ng Immigration na posibleng plano ng dalawang lalaki na nakawin ang air compressor sa canteen ng BI. Dinala sa Manila Police District homicide division ang security guard na si Carlos Garcia para imbestigahan kaugnay sa nasabing insidente na naganap dakong 11 p.m. nitong Biyernes. Sa paunang imbestigasyon, sinabing dumaan sa likod ng BI compound ang dalawang lalaki pero nakita sila ni Garcia. Nang lapitan sila ng guwardiya, bumunot umano ng patalim ang isa kaya binaril ito ni Garcia gamit ang kanyang shotgun. Sumunod namang kumilos ang isa pang lalaki na tinangka namang agawin umano kanyang cal-.38 revolver kaya binaril din niya ito. — FRJ, GMA News