Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Aljur Abrenica asks for privacy after admitting relationship with Kylie Padilla

March 5, 2013 3:29pm



Handang-handa na raw si Aljur Abrenica para sa nakatakdang pagsabak niya sa taping ng Indio, ang fantasy series ng GMA-7 na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla.

Ito ang una niyang nabanggit nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Party Pilipinas noong Linggo, March 3.

Sabi ni Aljur, “Isang malaking karangalan talaga sa akin na makatrabaho si Senator Bong.

“Ako kasi, hangga’t maaari, gusto kong makatrabaho lahat ng magagaling na aktor dito sa industriya natin. Yung talagang nasa magandang posisyon na bilang mga respetado at mahusay na artista.

“Kaya kumbaga, privilege talaga na makasama at makatrabaho si Senator Bong."

ACTION SCENES. Isang epic action fantasy ang tema ng Indio kaya siguradong mapapasabak si Aljur sa mga maaaksiyong eksena.

Sabi ng Kapuso hunk tungkol dito, “Nag-training ako ulit ng arnis.

“Kasi yung fight scenes dito sa Indio, may hawak na espada, e.

“Gusto ko, pagsabak ko sa taping, hindi naman tayo mapahiya.

“And siyempre, yung character-building din, pinag-aaralan ko.

“Nabasa ko na yung script. Maganda yung role ko.

“Maganda rin yung pagtatagpo namin ni Senator Bong sa story. Mainit kaagad.

“At yung mga susunod pa naming mga eksena, dun ako mas excited pa. Pati sa itatakbo ng istorya.

“Hindi ko pa alam kung ilang episodes ako mapapanood sa Indio, pero sana mapatagal hanggang sa ending.

“Magsisimula pa lang akong mag-taping next week, Tuesday [March 12].

“Kaya bago mag-end ang March, lalabas na tayo sa Indio."

MACHO DANCER. Isa pang ikinae-excite din ni Aljur ay ang pagganap niya bilang indie actor na naging macho dancer sa episode ng Magpakailanman na “The Kristoffer King Story."

Ayon kay Aljur, “Medyo sexy yung role.

“Pero hindi naman magpu-focus yung story sa macho dancing ng character na ipu-portray. May eksena lang na gano’n.

“Pero it will be more on sa buhay ng isang magaling na indie actor nga dito sa ating industriya. Gagampanan ko yung buhay niya.

“Tapos, a… maselan. Maselan yung bagay na pagma-macho dancing.

“Kailangang pag-aralan ko ‘yon talaga!" sabay tawa niya.

“Kasi, iba nga ito sa mga nakasanayan nating mga sayaw gaya ng sa Party Pilipinas.

“Sana mabigyan ko ng hustisya at mas maintindihan ng tao kung ano ang pinagdaanan nung indie actor na ipu-portray ko."

Si Kristoffer King ay napanood sa mga indie films na Ang Babae Sa Breakwater, Masahista, Tirador, Serbis, Aurora, Noy, Captive, at Oros.

Noong isang taon ay nanalo si Kristoffer bilang Best Actor sa Cinemalaya para sa kanyang pagganap sa Oros.

INHIBITIONS. Nang tanggapin niya ang role sa episode na ito ng Magpakailanman, wala ba siyang naging inhibition?

Sabi ni Aljur, “Una, nung pagdating sa akin ng script, binasa ko, nakita ko nga na medyo may mga maselan na parte.

“Pero hindi na ako nagdalawang-isip o nag-agam-agam pa man kasi nando’n na lahat, e.

“Kumbaga sa istorya nun, kailangan lahat, e.

“Dahil iyon ang paraan para mabigyan ng hustisya yung character at yung istorya niya. Na maipakilala sa mga tao kung sino talaga siya na napakagaling na indie actor.

“Sobrang excited talaga ako habang hinihintay yung taping schedule para rito.

“Itong pag-guest ko sa Magpakailanman, bagung-bago para sa akin ang lahat. Heavy drama siya talaga."

MORE DARING ROLES. Malamang na kapag ipinalabas na ang tatampukan niyang episode na ito ng Magpakailanman, may offer na darating para kay Aljur na gumanap kundi man macho dancer talaga ay isang mapangahas na role na magre-require na magpakita siya ng hubad na katawan.

“Okey lang kung meron man. Pero depende ‘yon, e," nangiting sabi ni Aljur nang matanong tungkol dito.

Okey naman daw sa girlfriend niyang si Kylie Padilla ang pagpu-portray niya bilang macho dancer/indie actor.

Excited nga rin daw ito sa eksenang magma-macho dancing siya.

Sabi ni Aljur, “Lagi naman siyang supportive sa akin, e, at gano’n din naman naman ako sa kanya.

“Hindi kami nagiging hadlang sa anumang gusto naming gawin sa kanya-kanyang career namin."

Sinasabi niyang open na siya ngayon sa mature at daring roles. Okey rin kaya kay Aljur kung halimbawa’y iri-require ng character na gagampanan niya ang pakikipag-kissing scene sa kapwa lalaki?

Sagot niya, “A… naiisip ko na rin ‘yan dahil nga nangyayari ‘yan, e.

"Lalo sa mga indie films natin, may ganyan, e.

“Malaki ang respeto ko sa mga artista na kayang gawin ang ganung eksena, kasi napakahirap nun.

“Pero kung ako halimbawa… it depends, e. Hindi ko pa masabi sa ngayon."

What about portraying a gay role?

“Mahirap ‘yan, e. Mahirap sabihin.

“Basta kung maipapakita ko ba ang kakayahan ko sa mga roles na puwede kong gampanan, gagawin ko."

OPEN RELATIONSHIP. Kasabihan na kapag ang isang artista ay happy sa career at lovelife, nagri-reflect sa aura o sa mukha.

At ito nga ang nakikita ng karamihan kay Aljur mula nang maging open na sila ni Kylie sa relasyon nila.

“Talaga?" sabay ngiting tanong niya.

“Well, ‘yon naman ang maganda sa atin, e.

“And ang importante is maging masaya ka, kasi ang buhay ng tao, maiksi lang."

Pero malaking factor din nga yung naging open na sila ni Kylie tungkol sa relasyon nila, unlike before na pinipilit pa nilang itago.

Sabi ni Aljur, “Ipinagpapasalamat ko iyon na, ‘eto, naging open na kami.

“Pero may gusto sana akong ipakiusap, na sana…

“Tutal umamin na rin kami, e, sana ngayon, kung anuman po yung mga mangyayari, sa amin na lang ni Kylie, ipersonal na lang namin.

“Kasi, nahihiya ako sa kanya, e. May mga nag-aano kasi… naiistorbo si Kylie kung minsan.

“Like, may mga nagri-react sa Twitter na hindi maganda.

“Kaya sana, matigil na nga yung gano’n.

“Kaya kung maaari po, kung anuman yung tungkol sa amin, e, we keep it in private na lang. Personal na lang sana namin ‘yon.

“Napag-usapan na rin namin ni Kylie ang tungkol dito. At saka kagustuhan naming dalawa na personal na lang po."

PRINSESA NG MASA. Balita rin na magbabalik-tambalan ulit sina Aljur at Kris Bernal sa upcoming teleserye ng GMA-7 na Prinsesa Ng Masa.

Kumusta na ba sila habang naghahanda sa panibagong project na kanilang gagawin?

“Maayos naman po. At nagpapasalamat kami at malakas pa rin ang AlKris," pagtukoy ni Aljur sa bansag sa loveteam nila ni Kris.

“Nandiyan pa rin ang AlKris supporters para sa amin.

“Sila pa rin yung laging nakaantabay para sa pagong project na pagsasamahan namin ni Kris.

“Heto, magtatambal nga ulit kami at excited akong makatrabaho na naman siya."

Nakakatuwa nga na kahit si Kylie ang karelasyon ni Aljur sa totoong buhay, at si Kris naman ay nauugnay ngayon kay Carl Guevara, marami pa rin ang kinikilig sa loveteam nila.

“Oo. Kaya nagpapasalamat kami sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa amin ni Kris," sabi ni Aljur. -- Ruben Marasigan, PEP